Vekic muling tinalo ni Eala

MANILA, Philippines — Naging suki na ni Pinay tennis sensation Alex Eala si Croatian Donna Vekic.
Ito ay matapos muling talunin ng World No. 35 na si Eala ang No. 33 na si Vekic, 7-5, 6-4, sa Round of 32 ng 2026 Berlin Open kahapon.
Nauna nang tinakasan ng 21-anyos na si Eala, isang wildcard entry sa WTA 500 tournament, ang 29-anyos na si Vekic, 4-6, 6-4, 6-4, sa nakaraang SB Classic noong Enero.
Nagmula si Eala sa pagsikwat sa kanyang ikalawang WTA 125 title matapos talunin si Nikola Bartunkova, 5-7, 6-3, 7-5, sa final round ng Birmingham Open.
Kaagad naman siyang nasibak sa WTA 500 HSBC Championships nang makalasap ng 2-6, 2-6 pagkatalo kay American rising star Iva Jovic sa Round of 16.
Sunod na lalabanan ni Eala sa second round si World No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan para sa kanilang rematch.
Yumukod si Eala kay Rybakina, 4-6, 3-6, sa clay court sa Italian Open noong Mayo.
Si Rybakina, ang No. 2 seed player sa Berlin Open, ay nakatanggap ng first-round bye.
Sa first set, kinuha ni Vekic, nagwagi sa katatapos lamang na 2026 HSBC Championships sa England, ang 5-4 abante bago inagaw ni Eala ang sumunod na tatlong laro para sa 7-5 panalo.
Kaagad hinataw ng Pinay netter ang 3-1 bentahe sa second frame patungo sa 5-3 kalamangan matapos makadikit ang Croatian sa 3-4.
Huling nakadikit si Vekic sa 4-5 at iposte ang 40-0 bentahe.
Ngunit kagaya ng inaasahan, bumangon si Eala at nakatabla sa 40-40 para tuluyan nang tapusin ang laban sa 6-4.
- Latest


















