‘POGO, binura sa mapa ng Pilipinas’
HINDI na ito simpleng pa-raid lang, ito na ang full cleanup. Nilagdaan sa Malacañang ang tara este mali ang bagong SOP na tutuldok sa POGO era hindi lang ipapasara, kundi dudurugin hanggang sa mapisa sa pinansyal, ari-arian, at koneksyon ng mga nasa likod nito. Sa utos na nakaangkla sa EO 74 at sa Anti-POGO Act of 2025, malinaw ang mensahe wala nang babalik, kahit magpalit pa ng pangalan o mukha.
Pinangunahan ni ES Ralph Recto, ang hakbang, kasama ang iba’t ibang ahensya, para gawing iisang galaw ang gobyerno mula intel gathering, operasyon, hanggang tuluyang pagdiin sa korte. Hindi na pwede ‘yung “sara ngayon, bukas may bagong bukas.” Target na putulin pati ugat: money trail, corporate fronts, at international links at ibulsa na lang este mali pala.
Kasama sa linisin ang iniwang kalat ng human trafficking victims, scam hubs na nagkalat sa lungsod, at mga gusaling ginawang pugad ng ilegal. Papasok din nang maaga ang mga piskal para siguradong may bagsak ang kaso, hindi puro headline lang.
Simple lang ang punto: hindi kayang tapatan ng kinikita ng POGO ang gulo at pinsalang iniwan nito. At kung hindi ito pipigilan nang todo, babalik at babalik lang sa ibang anyo.
Disklaymer: Ang opinyong ito ay batay sa ibinigay na impormasyon at layuning magbigay-linaw at pananaw; hindi ito opisyal na pahayag ng alinmang ahensya ng pamahalaan.
- Latest















