^

PSN Opinyon

Giyera sa langis, Pinoy ang tinataga!

PULSOhan - Dr. Paul Martinez - Pilipino Star Ngayon

Kapag may giyera sa Gitnang Silangan, may isang bagay na halos sigurado: tataas ang presyo ng langis sa buong mundo. At kapag tumaas ang langis sa pandaigdigang mer­kado, hindi ito nananatili sa mga bansang naglalaban. Uma­abot ang epekto nito hanggang sa Pilipinas—sa gasolina, sa kuryente, at sa presyo ng pagkain sa palengke.

Matagal ko nang binabalaan na kapag lumala ang ten­syon sa Middle East, tataas ang presyo ng fuel sa pandaigdigang merkado. Ang rehiyong ito ang isa sa pinakamahalagang pinanggagalingan ng langis sa mundo. Tinatayang halos 20 porsiyento ng global oil supply ay dumaraan sa Strait of Hormuz, kaya anumang sigalot doon ay agad na nagpapagalaw sa presyo ng enerhiya sa buong mundo.

Nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Iran at ng mga puwersang pinamumunuan ng Estados Unidos at Israel, nagbabala ako na posibleng umabot sa ?80 kada litro ang presyo ng gasolina sa Pilipinas. Ngunit tila mas mabilis pa ang naging takbo ng krisis kaysa sa inaasahan. Sa ilang ba­hagi ng Mindanao at iba pang lugar, may mga ulat na umaabot na sa halos ?90 kada litro ang presyo ng fuel matapos ang sunud-sunod na pagtaas mula sa mga supplier.

Mas nakababahala pa rito ang sitwasyon sa merkado. Hindi pare-pareho ang presyo sa mga gas stations. Sa ilang lugar mas mababa ang presyo sa Petron kumpara sa Shell at iba pang kumpanya. Sa ilang bahagi ng Mindanao at iba pang probinsya, may mga ulat ng biglaang pagtaas na umaabot sa ?17 hanggang ?24 kada litro sa loob lamang ng maikling pa­nahon. Para sa maraming motorista at negosyante, tila walang malinaw na kontrol sa bilis ng pagtaas ng presyo.

Dahil dito, kinakailangang tingnan ng pamahalaan ang supply chain ng fuel sa bansa. Dapat magsagawa ng audit sa fuel reserves ng mga gas companies. Kung ang kanilang imbentaryo ay nabili noong mababa pa ang presyo sa world market, hindi dapat ito agad ibenta sa presyong nakaangkla na sa bagong mataas na presyo. Kung walang malinaw na monitoring, may panganib na maraming kumpanya ang nananamantala sa sitwasyon.

Kaya simula pa lamang noong Lunes ay mahahaba na ang pila sa mga gas stations, dahil alam ng mga motorista na pagsapit ng Martes ay panibagong taas-presyo na naman ang ipapataw sa fuel. Ang resulta: panic buying sa gasolina habang ang karaniwang konsumer ay nagmamadaling makahabol sa presyong hindi pa gaanong mataas.

Kapag ganito kataas ang presyo ng fuel, hindi lamang ito problema ng mga motorista. Ito ang nagsisilbing domino effect sa buong ekonomiya. Tumataas ang gastos sa transportasyon, logistics at produksyon. Sumusunod ang presyo ng kuryente dahil mahal ang fuel na ginagamit sa power generation. Sa huli, tumataas ang presyo ng pagkain sa palengke dahil mas mahal ang pagbibiyahe ng mga produkto mula probinsya patungo sa mga lungsod.

Ramdam na rin ito sa ilang lokal na pamahalaan. Upang makatipid sa gastos sa operasyon—lalo na sa kuryente at fuel—may mga local government units na nagpapatupad ng four-day work week para sa kanilang mga opisina. Isang malinaw na senyales ito na ang epekto ng krisis sa enerhiya ay umaabot na pati sa operasyon ng pamahalaan.

Sa ganitong sitwasyon, kailangang kumilos ang pamahalaan sa ilang mahahalagang hakbang. Una, mahigpit na auditing sa fuel supply at reserves ng mga kumpanya upang matiyak na walang pananamantala sa merkado. Ikalawa, transparency sa fuel pricing at supply chain upang malinaw kung saan nanggagaling ang bawat pagtaas ng presyo. Ikatlo, mas agresibong pag-develop ng renewable energy tulad ng solar, wind at hydro upang mabawasan ang pag-asa ng bansa sa imported fuel.

Sa mundong patuloy na hinahamon ng geopolitical conflicts, ang enerhiya ay hindi na lamang simpleng commodity. Ito ay sandata ng ekonomiya at sukatan ng katatagan ng isang bansa. Hangga’t umaasa ang Pilipinas sa imported fuel, mananatiling totoo ang isang mapait na realidad: sa bawat pagliyab ng giyera sa langis sa mundo, ang unang tinatamaan ay ang bulsa ng karaniwang Pilipino.

PULSOHAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with