Total gambling ban
Sana’y totohanin ni Sen. Erwin Tulfo ang adbokasiya para sa total ban ng online gambling. Dapat nga sana, kung ako ang masusunod ay ideklarang ilegal ang lahat ng uri ng sugal, online man o offline tulad ng mga casino.
At least, sa isinusulong ni Erwin, may mapapasimulang mabuting hakbang. Sabi nga, “one step at a time”. Si Erwin ang bagong hirang na chairman ng Senate Committee on Games and Amusements. Aniya, patitibayin niya ang commitment laban sa online gambling. Katuwiran ng mga laban sa total ban ay - kung gagawin ito, darami ang operasyon ng mga ilegal. Hindi ko ma-gets ang lohika nito.
May mga ahensya tayo na dapat umusig sa mga lumalabag sa batas. Gawin nila ang kanilang tungkulin. Hindi solusyon na gawing legal ang ilegal.
Kung ang solusyon para mawala ang mga ilegal ay gawing legal ang mga ilegal, edi gawin na ring legal ang droga? Aba, mas malaki ang hahakuting pera diyan!
Sasabihin marahil ng mga nagsusulong ng legal gambling, “iba ang droga dahil winawasak nito ang buhay ng kabataan.” Bakit, hindi ba maraming buhay na rin ang sinira ng pagkahaling sa sugal?
Sabi nga ni Erwin, pupulungin niya ang komite upang pagaralan ang masamang epekto ng sugal sa lipunan. Hindi na kailangan ang malalim ng pagaaral. Kayrami nang buhay na nabangkarote dahil sa sugal, dahilan upang mawasak ang maraming tahanan.
Suggestion lang sa dati nating katoto sa media, pag-isipan din ang pagbabawal sa lahat ng uri ng sugal. Pag-aralan kung papaano mare-repurpose ang PAGCOR. Ang perang ipinapasok sa kaban ng bayan ay kulang pa ng tumbasan ang pagkasira ng buhay ng mga taong nahuhumaling sa sugal.
- Latest















