Hustisya lagging mananaig
PIHONG tataas na naman ang presyon ng dugo ng mga kalabang mortal ni Leila de Lima na umaasang babaliktarin ng Korte ang pag-absuwelto sa dating senadora sa mga kasong isinampa ng Duterte administration laban sa kanya.
Ang mga alipores at blind follower lamang ni dating President Digong ang naniniwalang totoo ang mga drug related cases laban kay De Lima. Sila rin ang gumagalaw at umaasang mababaliktad ang desisyon upang ibalik sa kalaboso ang dating senadora na ngayo’y party-list representative sa Mababang Kapulungan.
Naniniwala silang guilty si De Lima pero yung tahasang pag-amin ni Duterte na totoong mayroon siyang Davao Death Squad at iba pang iregularidad na kinumpirma mismo ng kanilang idol ay ayaw paniwalaan. Ang hustisya ay laging pananaigin ng Diyos. Kahit ang kaso ni Duterte sa ICC ay malalapatan ng katarungan sa bandang huli.
Alam naman nang marami na noong namumuno pa si De Lima sa Human Rights Commission ay inupakan niya ang noo’y mayor ng Davao na si Rodrigo Roa Duterte sa mga extra judicial killings na talamak noon sa nasabing lungsod. Kaya nang naging Presidente si Digong, kinasuhan agad si De Lima at ginawan pa ng mga pekeng video upang palabasing masama itong babae.
Nagtagumpay si Digong at nakalaboso si De Lima sa PNP Custodial Center ng halos pitong taon. Napakatagal na pagdurusa ‘yan!
Ngunit naniniwala ako sa divine justice. Tingnan n’yo ngayon ang kalagayan ni Duterte na nakapiit sa malayong bilangguan ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands sa kasong crimes against humanity. Sinisikap ng kampo niya na makahirit ng pansamantalang paglaya pero as of now, walang linaw kung pagkakalooban siya ng ICC nito.
Sa ikalawang pagkakataon, pinagtibay ng Muntinlupa Regional Trial Court ang pagkakaabsuwelto kay De Lima. Hindi talaga pahihintulutan ng Diyos na manaig ang inhustisya because God is a God of justice.
- Latest















