Wala nang bagansiya
NAGULAT din ba kayo nang pinuntirya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga tambay sa kalye sa huli niyang panawagan? Ang nananahimik na mga pakalat-kalat sa daan ay biglang naging public enemy number 1. Kung hindi man, basta pinalabas na silang guilty sa mata ng awtoridad. Ang istambay ay wala raw magandang gagawin.
Kung ano naman ang batas na kanilang nilabag, ewan ko lang. Ngayon na nga ay agad inaksyunan ng mga kapulisan ang pahiwatig ng Pangulo. Mahigit limang libo na ang dinampot. Kung pinalaya man o kakasuhan, hindi malinaw. Basta ang sigurado ay tinuluyan nga ang mga pobreng walang kamalay-malay.
Kaya nagtataka ang marami ng kung ano ba ang kasalanan ng mga kababayan nating nadampot. Walang maisagot na malinaw ang pamahalaan. Kung nangyari ito noong bago mag 2012, puwede pa ipaliwanag na sinampahan sila ng kaso ng bagansiya – o vagrancy kung tawagin ng dating batas na nagbabawal dito.
Subalit noong 2012, tinanggal ng Kongreso ang ating batas kontra bagansiya. Napansin ng Kongreso na ang mga mahihirap lang ang nakakasuhan. Higit pa rito, palaisipan sa mga eksperto kung ang patuloy na pagpairal ng batas ay maituturing na paglabag sa karapatan ng mamamayan na malayang makagalaw at makabiyahe.
Nagdesisyon ang Korte Suprema na hindi labag sa Konstitusyon ang ganitong uri ng probisyon. Subalit nagawa pa rin itong tanggalin ng ating mga mambabatas.
Kung hindi bawal, bakit nanghuhuli? Ang paliwanag ay may ilang ordinansa ang mga lungsod at bayan na nagbabawal dito. Kung ang opisyal na pasya ng Kongresong Nasyonal ay tanggalin sa talaan ng krimen ang pakalat kalat sa lansangan, bakit bibigyang bisa ang mga taliwas na ordinansang lokal?
Hindi lahat ng LGU ay may sarili nilang anti-istambay ordinance. Ang Quezon City, mayroon. Yung iba, wala. Ang nangyari rito, ginawang batas ang karaniwang pananalita ng Pangulo kahit pa wala itong kapangyarihang gumawa ng batas. Huli itong nangyari sa panahon ng martial law.
- Latest