Ganun na lang ba?
KINASUHAN na ang 12 tripulante ng Ming Long Yu, ang barkong pangisda na sumadsad sa Tubbataha Reef noong Lunes ng gabi. Hindi rin pinagbigyan ang hiling, o kung alam ko lang, demanda ng dalawang opisyal mula embahada ng China na pakawalan ang mga tao at ang kanilang barko. Ganun na lang ba, pakakawalan na lang, sa kabila ng paglabag sa napakaraming batas natin katulad ng iligal na pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas, tangkang pagnakaw ng mga yamang-dagat, pati na rin ang tangkang pagsuhol sa mga nanghuli sa kanila? Mabuti na lang at hindi bumigay ang sinumang kausap ng dalawang opisyal, kundi pagtatawanan na naman tayo ng China at sasabihing kayang-kaya nila ang Pilipinas sa lahat ng aspeto, at mukhang pera lang! Nasa $2400 o kulang-kulang P100,000 ang sinusuhol sa Park rangers na nanghuli sa kanila. Mabuti na rin at ganun lang ang dala. Baka kung malaki-laki, ewan ko lang!
Pero makikita mo talaga ang pagka-arogante ng China. Pakawalan lang? Paano kaya kung ang mga mangingisda natin ang nahuli sa teritoryo ng China? Kung mangisda kaya tayo sa pagitan ng Kowloon at Hong Kong island? Di kaya pinagbabaril na lang ang mga iyan at sasabihing nanghimasok sa kanilang teritoryo kaya may karapatan na silang patayin sila? At ano ang magagawa natin kundi magsisisigaw lang ng inhustisya! Tama ang pagsampa ng kaso sa kanila para sa lahat ng batas na kanilang nilabag. Pati ang kumpanya na may-ari ng barko, multahan din, kung gusto pa nilang makuha ang barko. Kailangan walang kompromiso sa kasong ito dahil iba na ang panahon ngayon, iba na ang administrasyon, iba na ang
Presidente ngayon!
Sa tingin ko nga maÂdalas mangyari ito pero pinakakawalan na lang kapag naglabas na ng suhol. Kaya sila may dalang pera at handa na para sa sitwasyon kung sakaling mangyari. Alam din nila ang pupuntahan nila para magnakaw kasi madalas siguro maganap noon! Mistulang pagsampal sa ating mukha ang makapasok sila nang ganito kalalim sa ating teritoryo! Nasa pagitan ng dalawang malaking isla ang Tubbataha Reef pero wala silang pakialam basta’t makapagnakaw sila! Ganito rin kahina ang ating pagbantay ng ating teritoryo, dahil sa kakulangan ng tao at kagamitan. Kailangan matukoy na ito, at baka barkong pandigma ng China ang makapasok sa Tubbata-ha Reef!
- Latest















