'Parang binibiyak po aking ulo!'

“Dr. Elicaño, magandang araw po. Itatanong ko po ang madalas na pagsakit ng aking ulo na tumatagos hanggang sa kaliwang bahagi ng batok ko. Parang binibiyak po ang ulo ko. May tumitibok po sa aking batok at kapag tumutungo ako ay tila ba malalaglag ang aking ulo.
Pakiramdam ko po ay migraine ito dahil kabiyak na bahagi lang ang sumasakit at kapag umaatake ay para akong masusuka. Subalit nag-aalala rin naman ako na baka cancer ito sa utak. Ano po ang sintomas ng migraine at cancer sa utak?” – CRISANTO LEANO, Piy Margal St. Sampaloc, Manila
Base sa sinabi mo, maaaring migraine ang dahilan ng pagsakit ng iyong ulo. Sintomas ng migraine ang pananakit ng kabiyak na bahagi ng ulo na animo’y tumatagos sa bao nito. Subalit kapag palagian o madalas na ang pagsakit at may sintomas, dapat ka nang magpakunsulta sa doctor. Kailangan na ang evaluation sa iyong nararamdaman.
Ang cancer sa utak ay umaatake sa tatlong bahagi ng utak --- ang cerebrum, cerebellum at brain stem. Sintomas ng cancer sa utak ang pananakit ng ulo, ngamol na pagsasalita, pagkabawas ng mga nalalaman, nahihirapang ikilos ang mga paa at kamay, pagkawala ng memorya, pagsusuka, pagkaduling, pagkabulag at pasuray-suray na paglalakad.
Kapag ang cancer sa utak ay tumama sa mga nagkakaedad na, hindi na ito gumagaling o maliit ang tsansang makaligtas.
Ang pamamaraan ng paggamot sa cancer sa utak ay depende sa laki at lokasyon ng tumor. Maaaring operahin ang tumor o isailalim sa radiation theraphy at chemo-theraphy.
- Latest
- Trending