'Lolo gulpi sa parak'
(Unang bahagi)
ANONG laban ng isang 79 taong gulang sa isang 35-anyos na pulis sa isang kumprontasyon?
Naabutan niya ang amang ‘Chinese’ na noo’y naka-upo sa silya. Nakaposas ang kamay sa likod… duguan…walang malay. Nilapitan niya ito pinunasan ng kanyang t-shirt na nabasa ng baha subalit hindi pa rin humihinga ang matanda.
Inalug-alog niya ito ng ilang ulit. Kinuha niya ang maliit na boteng may gamot inilagay sa tuwalya at pinaamoy subalit wala pa ring epekto. Dinaganan niya ang dibdib… isang malakas na hinga ang kanyang narinig.
Ganito daw binuhay ni Grace Asuncion, 30 taong gulang ang amang si Lao Tan Lin sa aktong kamatayan.
“Papa… nandito na ako! Gumising ka…”wika ni Grace.
“Oh… anak…Oh!” sagot ni Lao.
Tatlong taon pa lang si Grace ang kanyang amain (step father) na si Lao na ang nag-alaga sa kanya. Labing isang taong gulang siya ng maghiwalay si Lao at ang ina niyang si Felecitas “Citas” Asuncion dahil umano sa panlalake nito.
Sa Binondo, Manila na nagkaisip si Grace. Sa pag-aahente ng alahas at mga relo ng ama napag-aral siya ng kursong ‘Criminology’ sa Philippine College of Criminology. Hindi naman niya naituloy ang pagpupulis dahil nag-asawa siya agad nung taong 2005.
Dito na sila nagkahiwalay ni Lao. Tumira si Grace sa kanyang asawa sa Caloocan. Binilin naman niya ang ama sa inang si Citas. Nakiusap siyang payagan itong tumira sa kanilang paupahan sa Navotas.
Sa kwarto sa 4th floor nanatili si Lao. Dito na umano nagsimulang guluhin ang noo’y tahimik na buhay ng kanyang ama. Nandito yung puntahan siya sa bahay ng mga pulis at ng taga immigration dahil siya daw ay isang ‘illegal alien’.
Isa sa gusto umanong humuli sa kanya ay si PO1 Richie L. Yapit, nakatira din sa apartment sa 3rd floor. Ang lahat ng pangha-harass na ito, ang ina niyang si Citas ang may gawa, ayon kay Grace.
“Alam kong kinontrata niya si PO1 Yapit na guluhin ang Papa ko. Buti na lang nahiya si Yapit sa akin ng makita ako… naalala niyang magkaklase kami sa ibang subjects nung college,” kwento ni Grace.
Pinagdiinan ni Grace na hindi illegal alien ang kanyang ama at kumpleto ang kanilang mga dokumento. Dahil dito nanghingi daw mismo ng dispensa si PO1 Yapit sa kanya at kay Lao.
Isang buwan makalipas taga Bureau of Immigration and Deportation (BID) naman ang nagpunta sa bahay ni Lao para hulihin siyang muli. Mabilis na rumesponde si Grace sa ama.
“Sinabi ko sa team leader na si Charlie, kumpleto ang dokumento ni papa. May Alien Certificate of Registration (ACR) at passport siya,”sabi ni Grace.
Kinabukasan, pinapunta ni Charlie sina Grace at Lao sa BID. Pinadiretso sila sa opisina ni Atty. Josef Faisal Hussein, head ng intelligence. Nakausap niya ang sekretarya nito at si Charlie.
Pinakita ni Grace ang photocopy ng ACR at passport ni Lao. Ayaw naman daw pumayag ni Charlie na hindi original copy ang kanyang ibibigay sa BID.
“Bakit ko po ibibigay ang original? Personal copy ko to,” giit ni Grace.
Para matigil ang tensyon sa pagitan nila, umuwi na lang sina Grace.
Ilang linggo nagpalamig si Lao sa immigration at mga pulis. Pagkaraan ng halos isang buwan bumalik siya sa Navotas.
Ika-14 ng Setyembre 2005, ganap na ala una ng umaga ginising si Lao ng mga pulis upang arestuhin. Kasong panggugulo naman at panunutok daw ng baril ang kanyang kinakaharap.
“Teka… ako tulog na huli pa? Ano gawa ko? Ako wala kasalanan, Asan warrant arrest ko?” tanong ni Lao.
Pilit umanong pinasasama si Lao ng pulis na nakasibilyan na nakikilala niyang si PO3 Roberto Balais at dalawa pang parak.
“Hindi na kita huhulihin… sumama ka lang sa amin. Kain tayo o kaya inom? Halika na,” sabi umano ni PO3 Balais.
Hindi sumama si Lao, “Ayoko ko! Tulog ako!” matigas na sabi nito.
Nagsumbong si Lao sa anak. Nagspablotter sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) si Grace.
Kinahapunan naisipan ni Lao na maningil ng kanyang pautang. Ala sais y’ medya ng gabi nagpaalam siya kay Grace na siya’y uuwi.
“Papa.. dito ka na lang matulog. Gabi na rin kasi. Delikado sa lugar niyo may dala ka pang pera,” sabi ni Grace.
Nagpumilit umuwi si Lao at sinabing magpapahatid na lang siya sa tricycle diretso sa bahay.
Ilang minuto makalipas nakatanggap na lang daw ng tawag si Grace mula kay “Samuel”, kapitbahay ng ama.
“Grace! Pumunta ka na dito ang tatay mo. Binubugbog siya ng pulis, Ang papa mo umiiyak na! Dalian mo para maabutan mo,” sabi ni Samuel.
Nagpasama si Grace sa bayaw na si PO2 Rodel dela Cruz. Maging ang mga pulis Caloocan rumesponde rin. Pagdating sa apartment wala na si Lao.
“Asan ang tatay ko? Ilabas niyo ang tatay ko,” sabi ni Grace.
Ayaw siyang pansinin ng mga tao dun kung hindi pa umano niya tinakot ang mga ito hindi ito magsasalita.
“Ang tatay mong kriminal? Wala na inaresto na. Nasa presinto na ng Navotas… nakaratay!” sabi ng isa sa mga taga-apartment.
Dumiresto sa presinto si Grace. Hindi pa sila nakakarating dun nabalitaan niyang sinugod na sa Navotas Lying-in ang amang si Lao.
Mabilis na pumunta si Grace dun. Mataas ang baha ng gabing iyon. May bagyo kaya’t hindi pa sila nakakaabot sa ospital bumigay na ang makina ng mobile ng pulis.
Paglusob ni Grace hangang bewang ang lalim ng baha. May malakas na alon na dumating at natangay siya. Lumubog si Grace sumigaw at humingi ng saklolo. Lumubog…lumitaw… hangang tangayin siya ng baha.
ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Sabado.
Sa puntong ito nais kong batiin sina Herbert Meru, Melba Lagat at Sheng Bernardo ng Pan Pacific Plaza Condominiums.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending














