'Babala sa mga Nursing graduate!'
NAPAKAHIRAP humanap ng trabaho sa panahon ngayon sa ating bansa lalo na kung sa linya ng kursong natapos ang nais pasukan.
Subalit sa mga taong praktikal, hindi mahirap magkahanap-buhay kung hindi ka mamimili ng trabaho kesa magbilang ng poste sa bahay.
Ang prinsipyong ito ang ginagamit na patibong ng mga manloloko’t kawatang kumpanya ang negosyo ay kumubra ng benta’t pera sa mga pobreng aplikante ng trabaho.
Tulad na lamang sa reklamo ng mga lisensiyadong Nurse na lumalapit sa BITAG. Hiling nila, BITAGin at tuldukan ang panloloko ng DENTAL MED H MARKETING SERVICES sa Makati City.
Sa e-mail na ipinadala ng mga nagrereklamong Nurse, sa advertisement pa lamang ng kumpanyang ito sa mga kilalang broadsheet, maaakit ang sinumang Nurse na naghahanap ng mapapasukan.
Naghahanap umano ng mga company at private duty nurse na idedestino sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila ang kumpanyang ito.
Sa pamamagitan ng text message ay maaari nang magpa-iskedyul ang isang aplikante. Sa itinakdang araw, tulad ng mga lehitimong kumpanya na naghahanap ng empleyado, may written examination, interview at screening na magaganap.
Sa araw din na iyon ay malalaman kung pasado ang isang aplikante. Sa mga pumasa, upang tuluy-tuloy na makapasok sa kumpanya, kinakailangan daw sumailalim sa accreditation sa halagang limang daang piso.
Ang sinasabi palang accreditation ay orientation na ng kanilang modus este ng magiging trabaho ng mga pumasang aplikante.
Dito na lulutang ang pagbebenta ng medical insurance. Mas mabilis na makapagbebenta, mas madaling madedestino sa trabaho.
Sinilaw pa raw sila ng mga ito na maaaring kumita mula 600-800 pesos kada araw ang isang empleyado kung may maloloko este mai-re-refer silang mga bagong aplikante.
Sa huli, ang ipinangakong trabaho sa mga pobreng biktima, laway lamang pala. Nahuthutan na ng pera ang mga aplikante, wala pang trabahong napasukan.
Hindi na bago sa BITAG ang estilo ng mga ganitong marketing agency kuno na tumutulong ipakilala at ibenta ang mga di-kilala at walang kalidad na produkto.
Malaki rin ang papel ng mga business permit office ng bawat siyudad upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat aplikante na huwag mabiktima.
Subalit kung paulit-ulit lamang na closure order ang magiging aksiyon laban sa mga kumpaniyang ito, makakapagpalit lamang sila ng pangalan ay muli na naman silang magbubukas ng kanilang mapanlinlang na tanggapan.
Maging babala nawa ang kolum na ito sa lahat. Hinihikayat naming personal na magsadya sa aming tanggapan ang mga biktima na tinutukoy sa kolum na ito.
- Latest
- Trending














