When the cat is away
REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. () - February 2, 2011 - 12:00am

PANAY bomba – sa EDSA at sa pulitika. Ang Pinoy, hindi na magkandaugaga. Si P-Noy, hindi na rin malaman ang gagawin.

Noong naganap ang 9/11 attacks sa New York City, buong mundo ang natuliro at nawalan ng katiyakan sa kung ano ang susunod pang mangyayari. Ang mahinahon na pagharap ni Mayor Rudy Giuliani sa mundo kung saan pinamahagi niya ng walang emosyon ang lahat ng detalye ng pangyayaring pilit na iniintindi ng bansa ay nagbigay ng kasiguruhan sa isang lipunang nawalan ng sikmurang magpursigi. Ganun din ang naging epekto ng pagharap ni President Bush noon sa media – sa kanilang tahimik na paninindigan, nakahanap ang bayan ng ankla para sa kanilang lumulubog na kumpiyansa.

Ang halimbawa nina Giuliani at Bush ay patunay lang na sa mga panahon ng pag-aalinlangan, ang bayan ay naghahanap ng masasandalan. Kapag ang mga tao’y nawalan ng lakas, hahanap ito ng magbibigay-lakas. Kung nilisan ng katapangan, hahanap ng pampalakas loob. At unang tatakbuhan para sa saklolo ay ang simbolo ng bansa — ang Presidente.

Ganito rin halos ang kaganapan ngayon sa Pilipinas – parang nasalanta ng bagyo ng kawalanghiyaan at ka­rahasan. Carjacking at pagpatay, pagsabog ng bus, pati na rin pagsabog ng balita tungkol sa pagnanakaw sa military. Saan na ba tutungo ang bansa ginoong Pa-ngulo? Habang nangyayari ang mga ito sa ilalim ng inyong pamamahala, ano ang mabibigay ninyong kasiguruhan sa amin na ang gobyerno ay kumikilos?

Hindi corrupt si P-Noy – malinaw iyon at dahil dito lahat tayo’y magpasalamat. Subalit walang naiaambag ang kanyang kalinisan sa kumpiyansang kailangan upang malampasan ang takot at dudang dulot ng mga pangyayari. Paano maha­hadlangan ng linis ng pa-ngalan ang karahasan ng mga terorista o kasakiman ng mga opisyal?

Ang kalinisan at katapatan ay kalasag laban sa pinupukol na putik. Kung kalasag lang ang hawak, panay depensa lang tayo ‘igan. Kailangan din ng sandata upang magtagumpay laban sa mga problemang humihila sa atin sa lugmok.

Mr. President, oo nga’t malinis ka, subalit ang kailangan sa panahong ito ay makitang kontrolado mo ang sitwasyon. When the cat is away … the mouse will play. Kailangan mong kumilos. Maaring matapos ang termino nang hindi nababahiran ng dungis ang reputasyon. Ano naman ang saysay nito kung ang bansa’y tuluyan nang nasalaula ng mga karahasan at kasakimang hindi nadaan sa linis ng pangalan?

ANG PINOY ANO CARJACKING KAILANGAN MAYOR RUDY GIULIANI MR. PRESIDENT NEW YORK CITY PRESIDENT BUSH SI P-NOY
  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with