^

PSN Opinyon

'Magaling na lalake'

- Tony Calvento -

USO SA MGA TAONG LASING ANG NAGHAHAMON NG AWAY AT PINALALABAS ANG mga magagaling na lalake upang subukan. Matira matibay, sikat ang siga… diyan nila ikinakabit ang pagiging matapang!

Sa malayong lugar sa bayan ng Patnongon, Antique isang hamunan ang nangyari…

Si Lorna “Dadang” Tobias ay nagsadya sa amin tanggapan upang humingi ng tulong. Sa edad na 40, dahil sa kagustuhan niyang maitawid ang pagpapalaki sa kanilang mga anak namasukan bilang katulong sa Maynila si Dadang, isa siya sa inaasahan ng kaniyang pamilya sa probinsiya kaya naman tinitiis niyang lahat para makapag-ipon ng pera.

Taong 2006 ng magsimulang makatanggap ng di magandang balita si Dadang tungkol sa estado ng kanyang kapatid sa Patnongon at ito nga ay ang mga pangyayaring pinarating niya sa amin.

Ika-29 ng Mayo…bandang alas diyes y’ medya ng gabi habang kasalukuyang rumuronda ang tanod na si Armando Tobias, nakakatandang kapatid ni Dadang kasama ang Barangay Kapitan na si “Rick” isang sunud-sunod na sigaw ang narinig nila. “Kung sino matapang… Lumabas kayo!”.

Ang mga naghahamon ay sina Reydante Evangelista alyas “Untoy Dario” na noo’y may hawak na talibong (isang uri ng itak) at ang magkapatid na sina Jelly at Jonie Gumawa.

Lumapit sila Armando upang awatin sila Untoy Dario na walang tigil na naghahamon ng gulo dahil sa sobrang kalasingan.

“Pare, tama na yan. Umuwi na kayo’t lumalalim na ang gabi… tulog na ang mga kapit-bahay,” pakiusap nila Armando sa tatlo.

Nagalit sila Untoy kaya’t sumagot itong “Kapitan?... wala kaming pakialam kahit kapitan ka pa! Di mo kami kayang sawayin, ngayon kung matapang ka lumaban ka!”.               

Umambang sasaksakin ni Jelly si Kapitan kaya’t mabilis na inagaw ni Armando ang talibong dito. Pagkuha ng patalim ay kumaripas ng takbo ang tatlo pero bago pa man tumakas sila Untoy ay isang banta ang kanilang narinig… “Balang araw, papatayin ko din kayo!”.

Ibinigay nila Armando ang talibong sa himpilan ng Pulis Patnongon at agad nilang pina-blotter ang mga ito.

Nagsampa ng kaso sa Prosecution Office sila Kapitan, frustrated homicide ang kanilang hinaing reklamo. Nagbigay ng pahayag itong si Armando na dinidetalye ang gabing inundayan ng saksak si Kapitan.

 Lumipas ang ilang buwan, patuloy ang pagbabanta ni Untoy kina Kapitan, mas higit kay Armando matapos nitong tumayong saksi sa tangkang pagpatay nila Jelly sa kapitang si Rick.

Hindi ito pinansin ni Armando dahil matibay ang kanyang kinatatayuan. Legal at katotohanan ang kanyang sinasabi kaya wala siyang dapat ipangamba.

Taong 2006, buwan ng Agosto kinailangang lumuwas ni Kapitan sa Maynila dahil meron siyang importanteng aayusin para sa barangay.

Naging oficer-in-charge (OIC) naman itong si Armando sa barangay. Naging tungkulin niya ngayon ang panatilihing maayos ang kanilang lugar.

Naulit na naman ang nausong sigawan sa kanila, isang kilalang Max ang nagsisigaw ng “Sino isog? Labas!” (Kung sino matapang lumabas?!)

Nagwawala umano ito dahil ng pag-uwi niya sa ospital galing sa panganganak ng kanyang misis ay naputulan ito ng tubig.

Sakay ng isang motor narinig ni Martin Guzman, bilas ni Untoy ang panghahamon. Inakala ni Martin na ito’y si Armando dahil pagkakarinig niya’y galing ang boses sa kanyang bahay.

Huminto sa tapat ng bahay ni Armando si Martin at sinabing “Sinong sumigaw ng away? Lumabas ka!... sino naghahamon ng gulo ikaw ba Armando? Sige nga lumabas ka dito!”               

Hinayaan ni Armandong makalayo si Martin, nang maramdaman niyang wala na ito ay saka siya lumabas.

Pumunta siya sa Barangay Plaza, upang hanapin ang kanyang ibang kasamang tanod.

Kinabahan ang asawa nitong si Margie at sinundan niya si Martin.

Habang naglalakad si Armando papuntang Plaza di pa man siya masyadong nakakalayo mula sa kanilang bahay ay nakita nito si Martin lulan ng kanyang motor kaaangkas si Untoy Dario.

Hinarang nila si Armando mabilis silang bumaba sa motor at pinagtulungan nila si Armando. Sinaksak siya ni Untoy sa tiyan at matapos niyang maibaon ang talim ng talibong inikot niya pa ito kaya’t nagputul-putol ang kanyang bituka.

Agad na tumakas sila Undoy at Martin.

Isang malakas na sigaw ang narinig mula kay Margie na-shock siya sa nakita, nilapitan niya ang kanyang asawa. Bumubulwak ang dugo mula sa tiyan ni Armando, humihingi siya ng saklolo… tarantang-taranta siya habang si Armando ay nakatingin sa kanya tulala at nag-aagaw buhay.

“Labanan mo yan!... hindi ka pwedeng mamatay!” maramdaming pahayag ni Margie.

Gusto man ni Armandong mabuhay di na niya kinaya pa ang lalim ng saksak na dulot ng talibong… dun na tumirik ang kanyang mga mata at nalagutan ng huling hininga.

Sa isang hakbang upang di siya madamay sa brutal na pagpatay kay Armando, si Martin ay nagsumbong sa pulis upang i-report ang nangyari.

Sa di inaasahang takbo ng pangyayari pinawalan ang dalawang suspek sa kadahilanang di agad nakapagreklamo ang pamilya ni Armando.

“Gulung-gulo kami, inaasikaso ko ang labi ni Armando…di namin alam ang gagawin. Sapat na dahilan na ba ito upang pakawalan ang mga mamatay tao?” salaysay ni Dadang.

Matapos ilibing si Armando nagsampa ng kasong murder ang pamilya Tobias laban kila Untoy at Martin, halos isang taon nilang inantay ang resolusyon, lumabas na may ‘probable cause’ para masampahan ng kasong murder sa husgado itong dalawa.

Hindi dito nagtatapos ang pakikibaka nila Dadang sa ngalan ng hustisya dahil sa halip na provincial jail nakulong ang mga ito ay inilagay sila sa San Jose Rehabilitation Detention Center, Antique.

“Bakit ganun… kailangan silang sa rehab ikulong di namn sila adik! Mga mamatay tao sila! Ang dapat nilang kasama ay mga katulad nilang kriminal sa selda.” mariing sabi ni Dadang.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para sa Lahat” ang hinaing ni Dadang, matapos suriin ang mga detalye sa kasong ito malinaw na ang kailangan ay makipag-ugnayan sa taga-usig kung saan dinidinig ang kasong ito. Kailangan na makakuha ng court order mula sa hukom upang iutos ang paglipat sa dalawang ito sa Provincial Jail ng Antique.

ANG SA AMIN LANG DITO SA CALVENTO FILES, sila na ang namatayan at mukhang sila pa rin ang nadedehado sa mga nangyayari ngayon. Kung totoo ngang nasa rehabilitation center itong dalawang kriminal na ito ay malaki ang pagkukulang ng court officials kung bakit nangyayari ito. Kailangan pa bang paratinging yan sa amin dito sa Maynila? Para maaksyunan yan gayung tuwing nagpadala ng subpoena kapag may pagdinig malinaw namang nakasulat dun na ito’y naka-address sa rehabilition center. Nagbubulag-bulagan ba ang taga usig at hinahayaan nalang ito?

Kelan ba kayo kikilos kapag tuluyan ng nakatakas ang mga kriminal na ito sa rehab? Kung ganito ang mangyayari, ang kasong brutal na pagpatay kay Armando ay magiging estatistiko na lamang gaya ng mga marami pang iba na hindi nabigyan ng hustisya, ang kanilang case folders ay mababalot ng sapot ng gagamba, di magtatagal kakainin na ng mga anay at mapupulbos na sa limot. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig ng aming programang “Hustisya Para Sa Lahat” sa radyo sa DWIZ 882khz mula Lunes hanggang Biyernes ganap na 3:00-4:00 ng hapon at tuwing Sabado 7:00-8:00 ng umaga.

Email address: [email protected]

vuukle comment

ARMANDO

DADANG

KAPITAN

SILA

UNTOY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with