^

PSN Opinyon

'Pula ang kulay ng ulan'

- Tony Calvento -

Ang ulang tikatik, siyang malakas magpaputik. Ang gulong nagsimula ng tila ambon bago maglaon, bumuhos ng malakas at nagkulay dugo ang lupa. Istorya ng magkasama, magkaibigan, magkainuman nauwi sa isang hindi kanais nais na katapusan.

Si Melanie Vargas, 26 taong gulang nanggaling pa sa malayong lugar ng Bacacay, Albay ay sinadya kami upang iparating ang kanyang mabigat na damdamin.

Bata pa lang si Melanie ng maghiwalay ang kanyang mga magulang at napunta siya sa pangangalaga ng kanyang ama habang ang kapatid na babae ay sa kanyang ina napasama. Magmula noon ang 53 taong gulang niyang ama na si Macario Vargas, o mas kilala sa tawag na ‘Kayie’ ang naging sentro ng kanyang buhay.

Nagtatrabaho bilang isang ‘caretaker’ si Macario sa isang bahay sa kanilang lugar sa kabila nito, napagtapos niya si Melanie ng kursong BS Education.

“Para masuklian ang paghihirap ng aking ama, nag-apply ako na maging isang guro sa Maynila at natanggap naman ako. Magmula noon ay pinangarap ko ng madala ang aking ama sa Maynila upang magsama kami at hindi na siya magtrabaho pa. Subalit kahit anong pilit ay ayaw sumama ng papa ko dahil ang mundo niya ay gumagalaw sa probinsya kasama ang kanyang mga kaibigan, ang luntiang kapaligiran at pati na rin ang dagat.

Lumuwas si Melanie para magturo sa Bagumbayan Elementary School, Taguig City. Tuwing may pagkakataon, umuuwi siya sa kanilang probinsya para makasama ang kanyang ama.

 “Malayo man ang pinagtatrabahuhan ko ay lagi kong sinisigurado na makasama si papa at hindi ako nakakalimot na dalawain siya lalo na tuwing magpapasko at summer vacation”, pahayag ni Melanie.

 Masaya nilang pinagdiriwang ang bawat uwi ni Melanie, at kapag oras na para siya’y bumalik ng Maynila ayaw siyang ihatid ng kanyang ama sa sakayan ng bus sa kadahilanang nalulungkot ito tuwing umaalis ang kanyang dalaga.

Ganito ang naging sistema ng kanilang pamumuhay subalit isang pagbabago ang napansin ni Melanie ng minsan siyang umuwi ng buwan ng Mayo ng taong ito.

“Nitong huling uwi ko siya ang nag-ayos at nag-empake ng aking mga gamit hindi lamang yan hinatid pa niya ako sa sakayan ng bus na unang beses lang niya ginawa. Bago ako sumakay hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at niyakap ako ng mahigpit at pabulong niyang sinabing mahal na mahal kita anak.” madamdaming pahayag ni Melanie.

Sa loob ng bus pabalik ng Maynila, nalungkot si Melanie ng kanyang isipin na sa ‘Christmas vacation’ pa siya magka­karoon ng pagkakataong makasamang muli ang kanyang ama. Pitong mahabang buwan niya kailangan tiisin ang pangungulila sa taong pinakamamahal niya subalit alam ni Melanie na kailangan niyang gawin ito upang matupad ang kanyang pangarap na sa pagtanda ng kanyang ama ay kukupkupin niya ito.

Hulyo 20, 2009 alas 8:00 ng umaga habang nagtuturo si Melani ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang tiyahin na si Salvacion Vargas.

“Nagulat ako na tumatawag ang tiyahin ko at ng makausap ko siya ay agad nitong sinabing ‘Melanie.... Nasa punerarya ako... Ang papa mo.... Si Kayie... Si Kayie...patay na si Kayie, patay na ang papa mo!’” kwento ni Melanie.

 Namanhid ang buong katawan ni Melanie, hindi na niya naintindihan ang mga sumunod na sinasabi ng kanyang tiya. Nabitiwan niya ang kanyang cellphone sa panglalambot sa nabalitaan. Nabingi siya at ang ingay ng mga estudyante ay parang mga labing walang tinig na lumalabas

Tinawagan din ni Salvacion ang ‘co-teacher’ ni Melanie na si Juliet Matias para paalam ang balita at pinakiusapan niya ito na alalayan si Melanie. Nagmamadali si Juliet na pumunta sa silid kung saan nadatnan niyang tulala at nanginginig si Melanie. Dahan dahan niya itong nilapitan at niyakap, doon na bumuhos ang luha sa balikat ni Juliet.

“Kailangan akong umuwi, ang papa ko... ang papa ko...” umiiyak na sinabi ni Melanie kay Juliet.

Ang magulong mga bata ay tumahimik ng makitang umiiyak ang kanilang guro. Nagtatakang tiningnan siya ng mga ito at dahan-dahan tumahimik ang buong silid.

Umuwi siya ng bahay, kumuha ng konting damit at sumakay siya ng bus byaheng Bicol.

“Iyon na yata ang pinakamahaba at pinakamatagal na byaheng papuntang Bicol kung pwede lang ay andun na sana kami pero hindi... walong oras na byahe ang kinakailangan kong gawin.

Ang isip ko ang nagsasabi na patay na aking ama ngunit ang puso ko ang nagsasabi na daratnan ko pa siya ng buhay. Sinabi ko sa aking sarili na hindi pwede!... hindi pwede... hindi pwedeng mangyari sa’kin ito”, mariing pahayag ni Melanie.

Nakarating siya sa Bicol at inihatid niya ang kanyang ama sa huling hantungan noong Hulyo 24, 2009.

Napag alaman ni Melanie na noong Hulyo 19, 2009 bandang 10:30 ng gabi habang natutulog na ang kanyang ama na si Macario Vargas kasama ang isang katrabaho na si Cristopher Bellen sa bahay na kanilang binabantayan ay bigla na lang silang nagising sa napaka lakas na sigaw sa labas ng gate.

“Kayie! Lumabas ka jan!!” nakilala ng testigo ang boses at iyon ay si Romeo Betito, 36 taong gulang at matalik na kaibigan ni Macario. Bumangon ang ama niya at kahit na pilit siyang pinipigilan ng kasamahan niyang si Cristopher ay lumabas pa din ito dala ang isang ‘flashlight’ para komprontahin ang pagwawala ni Romeo.

Lasing na lasing si Romeo at paulit-ulit na nagsisigaw. Nagkasagutan ang dalawa at ayon umano sa kwento ni Romeo ay hinampas siya ni Macario ng ‘scabbard’ o sarongan na suksukan ng itak. Natumba si Romeo at nahulog sa kanal.

Matapos nito’y pumasok na si Macario sa kanilang gate.

Hindi pa naiisasara ang gate ay bigla itong bumukas at sabay na dinamba at sinunggaban ni Romeo si Macario. Bumagsak sa lupa si Macario at kinubabawan siya ni Romeo. Sinaksak siya nito ng paulit ulit sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan

Nang marinig ni Cristopher ang ingay at kalampag ng gate agad siyang sumilip at nakita niya ang ilaw na nagmumula sa ‘flash light’ na nasa kalsada. Nakita niya si Romeo Betito na hindi mapakali na palakad lakad sa gate habang si Macario ay duguanng nakahandusay sa kalsada. Sumigaw umano si Romeo ng “Nun kan sukat pagsabihan na!” (noon pa kita pinagsasabihan!) at agad naman itong umalis.

Natakot si Cristopher at nagtago sa bahay. Alas 11:00 na ng gabi ng makapag text si Cristopher sa kanyang kaibigan na si Wilier Barquilla upang humingi ng tulong. Nakita nila ang katawan ni Macario na puro dugo ang bibig at ibang parte ng katawan.

Naiwan na nakabulagta ang katawan ni Kayie at patuloy ang agos ng dugo nito. Malakas ang ulan ng gabing iyon kaya sumama sa agos ng tubig ang dugo na nanggagaling kay Macario. Alas 12:30 ng madaling araw dumating ang mga pulis sa pinangyarihan ng krimen at halos nahugasan na ang bangkay ni Macario.

Nagtamo ng sampung taga sa katawan ang biktima. Tinamaan ng dalawang saksak sa puso si Kayie at ang baga at lamang loob ay nagkalat na naging dahilan ng kanyang mabilis na pagkamatay.

 “Biglaan ang pagtira sa papa ko, ginawa niyang hayop at walang awa niyang tinadtad ng saksak ito.” mariing sinabi ni Melanie.

Dagdag pa ni Melanie ay matalik na magkaibigan si Macario at Romeo ngunit sa tuwing nalalasing ay laging nagtatalo at nag-aaway ang dalawa.

 “Mabait ang papa ko, hindi ko alam ang motibo kung bakit ganon na lang ka brutal ang pagpatay sa kanya.” pahayag ni Melanie.

Kinabukasan, may nagturo na isang kagawad kung saan nagtatago si Romeo. Pinuntahan ng mga ‘baranggay officials’ ang kanyang pinagtataguan at hindi naman ito nanlaban at sumama na lamang ng maayos si Romeo papuntang prisinto.

 Sinuko niya ang dalawang ‘kitchen knives’ na may sukat na ’10 inches at 12 inches’. Sa ngayon ay nakakulong na si Romeo.

Hulyo 21, 2009, pagdating ni Melanie galing Maynila ay agad siyang dumiretso sa Bacacay headquarters upang isampa ang reklamo sa naganap na krimen.

Nasampahan ng kasong ‘Murder’ si Romeo Betito natatakot si Melanie na madown grade sa homicide ang kaso at makapagpyansa itong taong ito.

 “Kung nalaman ko lamang na yun na ang huli naming pagkikita, sana mas mahigpit ko siyang niyakap bago ako sumakay ng bus at sana nung binulong niya sa akin ng mahal na mahal niya ako... sinagot ko siya ng ‘Mahal na mahal kita papa!’ Ngayon nabigkas ko ang mga katagang yun sa kanya nung siya’y isa ng malamig na bangkay sa loob ng isang kabaong. Hustisya para sa aking ama ang kailangan ko...” madamdaming pahayag ni Melanie.

Bilang tulong binigyan namin siya ng referral sa Prosecutors Office ng Albay na si Prosec. Luis R. Bocalbos Jr. para makausap niya ang taga-usig upang makagawa ito ng ‘Opposition for the Petition for Bail’ para hindi makapagpyansa itong suspek na si Romeo dahil siguradong magtatago na ito sa oras na makalaya siya.

Itinampok namin ang kanyang problema sa radio program na “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 khz.

ANG SA AMIN LANG DITO SA CALVENTO FILES, maraming anggulo ang pwedeng tingnan ng taga-usig kung saan pwede pumasok ang kasong ito sa Murder. Sana hindi magbulag-bulagan itong ‘investigating prosecutor’ at basta na lamang gawin homicide ito. Nariyan ang cruelty, treachery, at malinaw naman na sa daming sugat na tinamo ng biktima wala siyang kalaban-laban na ipagtanggol ang kanyang sarili.

Nalaman namin na itong si Romeo at Macario ay magkaibigan at halos magkasama araw-araw. Hindi malinaw kung ano ang motibo nitong suspek ng puntahan niya si Macario. Ang malinaw may dala siyang dalawang kutsilyo, mainit ang kanyang ulo at pinalalabas niya itong kanyang kaibigan. Ang malinaw matapos ang buhos ng ulan ay isang Macario na tadtad ng saksak ang naiwan sa mamasa-masang lupang dinilig ng dugo.

 (KINALAP NI AICEL BONCAY)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa DWIZ 882 tuwing Lunes hangang Biyernes ganap na alas 3:00-4:00 ng hapon, at Sabado 7:00-8:00 ng umaga.

Email: [email protected]

KANYANG

KAYIE

MACARIO

MELANIE

NIYA

ROMEO

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with