‘Hindi duwag ang anak ko!’
“Hindi duwag ang anak ko para takbuhan niya ang hamon at hirap ng buhay. Siya yung tipong haharapin niya ito,” walang kurap na sinabi ni Efepania.
Magkahalong pagdadalamhati at pagdududa ang naramdaman ni Efepania at iba pang kaanak nang malaman ang nangyari kay Ma. Christian Humpa. Tatlong (3) buwan na silang walang balita sa kanya kaya sobrang pagkalungkot ang bumalot sa kanila sa balitang pumanaw na nga si Cristina.
Subalit hindi naniniwala si Efepania na magagawang magpakamatay ni Cristina dahil maliliit pa ang mga anak nito. Maliban dito ay kilala siya bilang isang babaeng malakas ang loob at may takot sa Diyos. Ngunit ang pagdududa ni Efepania ay lalong napatindi sa mga naaalala niyang kuwento ni Cristina ukol sa buhay niya kasama ang asawa.
Taong 1993 nang nagpakasal si Cristina sa asawang si PO2 Endito Humpa. Nagkakilala sila sa Camp Bagong Diwa, Taguig nang madestino ang lalake sa Maynila. Kasalukuyan namang nakatira si Cristina sa lungsod para makapaghanap-buhay.
Hindi tumutol si Efepania sa desisyon ng anak dahil maganda naman ang pakikisama ni Endito sa pamilya nila. Nang lumaon ay sumama na si Cristina kay Endito sa Camp Abilon, Pagadian City, Zamboanga kung saan nadestino ang huli. Nagbunga ang kanilang pagsasama ng apat (4) na anak.
Sa kabila ng pagtira nina Cristina at Endito sa Pagadian ay nagagawa nitong dumalaw sa magulang isa o dalawang beses kada taon. Hindi din nakakalimutan ni Cristina na tumawag sa mga magulang at kapatid upang balitaan sila tungkol sa mga bata. Base sa mga kuwento ni Cristina ay maayos ang samahan nilang mag-asawa. Pagdating sa usaping pera ay hindi nagaaway ang mag-asawa dahil maayos naman ang kita ng asawa.
“Masayang magkuwento si Cristina sa naging buhay niya sa Pagadian. Hindi na kami masyadong nag-alala kahit wala kaming kamag-anak doon dahil kontento na siya sa kanyang pamilya,” kuwento ni Efepania.
Taong 2006 nang bumisita muli si Cristina sa mga kaanak sa Bicol. Tulad ng nakasanayan ay nagkuwento siya muli sa kanila. Ngunit bago siya umuwi sa Pagadian ay kinausap niya ng masinsinan ang kanyang pinsan na si Elsie Mariano.
Sa mga kuwento ni Cristina nalaman ni Elsie ang pinagdadaanang problema ng pinsan. Madalas na daw mag-away sina Cristy at Endito nitong nakaraang taon. Kung minsan ay nauuwi sa pambubugbog ang hindi pagkakaintindihan ng mag-asawa. Madalas na dahilan ng kanilang pag-aaway ay tungkol sa babae.
Pinakahuling pinag-awayan nila ay ang loan na kinuha ni Endito na lingid sa kaalaman ng asawa. Duda ni Cristina na ginastos lang ni Endito ang perang nahiram sa babae nito. Dagdag din ni Cristina ay nagsumite siya ng reklamo sa tanggapan ng Internal Affairs Service sa PNP-Zamboanga ukol sa pananakit umano sa kanya ni Endito. Hindi na itinuloy ni Cristina ang kaso dahil nakiusap ang kanyang biyenan na patawarin ito dahil baka mawalan ito ng trabaho. Sa huli ay pumirma si Endito ng kasulatan na hindi na niya sasaktan si Cristina.
Bago umuwi si Cristina ay nabanggit niya kay Elsie na magpapakatatag siya para sa kanyang mga anak. Nasabi din nito sa pinsan ang intensiyon niyang makapagtrabaho sa ibang bansa. Gusto daw ni Cristina na makapag-ipon din para sa sarili at mga anak nang hindi umaasa sa asawa nito.
June 2007, ganap nang sinimulan ni Cristina ang paglalakad ng kanyang papeles para sa pangingibang bansa. Nakipag-ugnayan siya sa kanyang kapatid na si Arlene at sa asawa nitong si Reynaldo Caguioa para iayos ang marriage contract nila ni Endito sa Manila City Hall. Sa loob ng isang buwan ay naayos ang problema sa marriage contract na laking pasasalamat ni Cristina. Ilang linggo ang lumipas ay ibinalita ni Cristina kina Arlene na may schedule na siya para sa interview sa agency.
Inasahan nina Arlene ang mga sumunod pang balita mula kay Cristina ukol sa kanyang interview ngunit dumating na ang Setyembre ay wala hindi pa rin tumatawag dito. Nanibago din si Efepania sa hindi pagtawag ng anak sa kanya. Sa tuwing sinusubukan naman ni Elsie na tawagan ang pinsan ay laging out of reach ito.
October 12, 2007, 5:00 ng umaga, nagising si Elsie dahil narinig niyang may tumatawag sa cellphone niya. Pagtingin niya dito ay laking tuwa niya nang makitang si Cristina ang tumatawag sa kanya. Nang sagutin niya ang tawag ay nagtaka siya kung bakit si Endito ang nasa kabilang linya. Lalo siyang nabahala nang tila nanginginig ang boses ni Endito kaya tinanong niya kung ano ang problema.
Nagimbal si Elsie sa narinig na sagot mula kay Endito. Patay na si Cristina! Dagdag pa ni Endito ay nagbaril daw ang asawa sa ulo. Hindi na nasagot ni Endito nang tanungin ni Elsie kung anong dahilan ng pagbabaril niya dahil tila nanginginig na ang boses.
Kinabukasan ay agad na ibinalita ni Elsie ang nangyari kay Cristina kay Efepania at sa iba pang kaanak niya. Sinubukan nila ulit tawagan si Endito upang alamin kung ano ang tunay na nangyari. Sa muling pag-uusap nila ay kalmado na si Endito at sinabing bumagsak daw si Cristy sa kanyang interview para sa pangingibang bansa. Nadulas kasi daw ang asawa sa banyo kaya nabali ang kamay nito na siyang dahilan ng hindi pagtanggap sa kanya.
Hindi makapaniwala ang mga kaanak ni Cristina na kaya nitong tapusin ang buhay lalo pa sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo. Bago pumunta si Efepania sa Pagadian upang dalawin ang anak ay tumuloy siya sa aming tanggapan sa HUSTISYA PARA SA LAHAT.
Nakipag-ugnayan ang aming tanggapan kay Chief Moises Tamayo ng NBI-Zamboanga City upang magsagawa ng imbestigasyon upang alamin kung totoong nagpakamatay nga ba si Cristina.
ABANGAN ang naging resulta ng pagpunta ng NBI-Zamboanga sa Pagadian City sa paunang imbestigasyon nito EKSKLUSIBO dito lamang sa CALVENTO FILES sa PSNgayon.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending


















