Dismayado si Rosales sa kanyang 2 pulis

NADAKIP ng Pasay City police ang dalawang pulis ng Bauan, Batangas at tatlong sibilyan habang palabas ng sabungan ng siyudad bunga sa pag-iingat ng mataas na kalibre ng baril. Isang magan dang trabaho ito ni Pasay City police chief Sr. Supt. Marietto Valerio sa halos matagal niyang panunungkulan sa "Sin City" nga. Matapos makarating sa kanya ang balita, aba, kaagad iniutos ni Southern Police District (SPD) Chief Supt. Roberto Rosales na maghanda ng mga press release para iprisinta ang mga suspect sa media kahapon nga.

Malinaw kasi mga suki na lumabag sa gun ban ng Commis sion on Elections (Comelec) itong dalawang pulis ng Batangas dahil wala naman silang misyon sa Pasay City kundi samahan lang magsabong itong napabalitang drug lord nga. Subalit nadismaya itong si Rosales nang malaman niyang ni-release for further investigation (RFFI) ng piskal ng Pasay City ang limang inaresto. Sa magkanong halaga? ’Yan ang iniimbestigahan sa ngayon ni Rosales na nangakong hahabulin niya ang piskal kapag may nakita siyang anomalya sa pagka-release nga ng limang suspect. He-he-he!

May kalalagyan ang mga pulis at piskal sa hokus-pokus na ito, di ba mga suki? Kapag narinig n’yo mga suki itong salitang RFFI, ito ang kakutsabahan ng piskalya at mga pulis para kumita. At kadalasan, malaking halaga ang involve dito lalo na kung ang kaso ay tungkol sa droga at iba pa. Di ba malimit n’yong marinig ang RFFI sa mga drug pushers at users mga suki?

Ang RFFI kasi ang madalas na depensa ng mga pulis para hindi sila mahuli sa akto ng mga superiors nila. ’Ika nga, ibinabato nila ang sisi sa piskalya nga. Ang siste nito, ang ginagawa ng mga imbestigador ng pulis natin, hihinaan nila ang kaso sa pama magitan ng pagmanipula ng mga statements ng mga arresting officers o dili kaya’y gagawin nila ang mando ng piskal para SWAK nga sa RFFI. At presto… may pagpapartihan na ang mga pulis at piskal nga. At ang mga biktima kadalasan nitong RFFI ay ’yaong may kayang maglabas ng malaking halaga o milyones nga.

Dapat sigurong makipag-coordinate si PNP chief Dir. Gen. Oscar Calderon kay Justice Secretary Raul Gonzales para matapos na ang RFFI raket na ito. Kasi nga, kung tingnan mong maigi ang batas natin, wala namang kaparusahan dito ang mga sangkot sa RFFI raket ng pulis at piskalya nga dahil pulido ito. Kaya hindi na kayo dapat magtaka mga suki kung ang mga naarestong drug pushers at user o mga kriminal sa paligid n’yo ay mabilis makakalaya bunga sa RFFI.

O hayan, maliwanag na ba sa inyo ang RFFI raket ng pulis at piskalya mga suki? He-he-he! Isang kumpas lang ni Gonzales ang kailangan dito.

Nangako naman si Rosales na gagawin niya ang makakaya niya para mapatigil ang ganitong raket sa SPD nga. Ipinatawag kahapon ni Rosales si Valerio at ang imbestigador ng kaso para arukin kung may "milagro" ngang nangyari sa kaso. Kaya abangan n’yo rito mga suki kung ano ng kinalabasan ng imbestigasyon ni Rosales. Ang initial na ulat na natanggap ni Rosales ay naka-civilian ang mga naaresto at nakumpiska nga sa mga sasakyan nila ang dalawang Armalite rifle at dalawa ring 9mm pistol. Kayo nga maghusga mga suki kung kasama sa RFFI raket itong kasong kinasangkutan ng mga bataan ni Valerio. Ang init mo sa SPD Col. Valerio Sir? Bumawi ka naman! Abangan!

Show comments