^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Paano pa malilinis ang DPWH?

-
MALABO nang malinis sa mga kurakot ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Nagsisimula pa lamang walisin ni Sec. Bayani Fernando ang mga kurakot sa nasabing departamento pero pinalitan na kaagad siya ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Apat na buwan pa lamang nakauupo si BF sa DPWH at nagsisimula pa lamang lagariin ang pangil ng mga corrupt nang biglaang palitan. Inilagay sa puwesto ni BF bilang acting DPWH secretary si Florante Soriquez.

Pinalitan si BF sa panahong ang DPWH ay namumutiktik sa dumi ng katiwalian. Kamakailan, lumabas sa isang surveys na ikatlo sa mga corrupt na departamento ang DPWH. Nangunguna ang Bureau of Customs at ikalawa ang Bureau of Internal Revenue. Ngayong inalis si BF sa DPWH baka manguna na ang DPWH sa pinaka-corrupt. Muling maglulundagan sa tuwa ang mga corrupt na pinagbantaan ni BF at magpapatuloy sa paggawa ng katiwalian. Mamamayagpag ang mga contractor na may mga kakutsabang tiwaling opisyal at empleyado sa DPWH.

May mga report na kaya inalis si BF sa DPWH ay sapagkat marami itong nasasagasaan at kabilang dito ang mga maimpluwensiyang pulitiko na may mga koneksyon sa DPWH. Nagreklamo umano kay Mrs. Arroyo ang mga pulitiko dahil sa pagiging mahigpit at straight ni BF. Masagasaan na ang masagasaan! Kung totoo ang report na ito, nagkamali si Mrs. Arroyo sa pag-alis kay BF. Kung totoo ito, nawalan ng pag-asa ang DPWH na maging malinis sa mga corrupt. Paano ang matatag na republika ng pangarap ni Mrs. Arroyo kung ang mga pinunong may kakayahan at may tapang ay aalisin?

Marami nang sumingaw na katiwalian sa DPWH at isa rito ang P180-milyong repair vehicle scam na inimbestigahan na noon pang nakaraang taon ni dating DPWH Sec. Simeon Datumanong pero hanggang ngayon wala pang nangyayari. Ngayong wala na si BF, malabo na marahil ito.

Maliban na lamang kung si Acting Sec. Soriquez ay magkaroon din ng tapang na kagaya ni BF. Si Soriquez, 61, tubong Calapan City, Or. Mindoro ay 41 taon na sa DPWH at siguro naman ay alam na niya kung paano hahawakan sa leeg at saka pipilipitin ang mga corrupt na nagpapahirap sa bansang ito na sagad na sa hirap. Ipagpatuloy ni Soriquez ang sinimulan ni BF at ipakita na kaya rin niyang ibangon ang departamentong natalsikan na nang maraming putik.

Sikaping malusaw ang pangalan ng DPWH sa talaan ng mga nangungunang corrupt na departamento sa bansa. Umaasa kami, Sec. Soriquez.

vuukle comment

ACTING SEC

BAYANI FERNANDO

BUREAU OF CUSTOMS

BUREAU OF INTERNAL REVENUE

CALAPAN CITY

CORRUPT

DPWH

MRS. ARROYO

SORIQUEZ

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with