^

PSN Opinyon

Editoryal – Para ano pa ang ceasefire?

-
HABANG naguguluhan ang gobyerno kung magdedeklara ng hinto-putukan laban sa rebeldeng komunista, patuloy naman ang pagsalakay ng mga New People’s Army (NPA) sa mga kampo ng sundalo at nagsasagawa ng pananambang. Noong December 6, may 20 truck na pag-aari ng Philippine Aggregates Timber Export Co. (Pateco) sa Dinapigue, Isabela ang sinunog ng mga rebelde. Ang panununog sa mga truck na nagkakahalaga ng P60 million ay ganti umano ng mga rebelde dahil sa hindi pagbabayad sa kanilang ng "revolutionary taxes" na umaabot sa P6 million.

Noong Lunes ay nagpahiwatig si President Gloria Macapagal-Arroyo na hindi siya magdedeklara ng ceasefire sa mga rebelde. Bagamat hindi direktang sinabi, ang pagpapaubaya niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ay isang palatandaan na ayaw na niyang magkaroon ng hinto-putukan. Pinag-aaralan umanong mabuti ng Presidente ang lahat. Sa kabilang dako, sinabi naman ni CPP-NPA spokesman Gregorio "Ka Roger" Rosal na hindi rin sila magpapatupad ng hinto-putukan.

Siguro’y ang maraming paglabag sa kasunduang hinto-putukan sa nakaraan ang naging dahilan kaya nagpapahiwatig ng kalamigan si Mrs. Arroyo. Para ano pa nga ang ceasefire kung patuloy lamang lalabagin ng kabilang panig ang kasunduan. Sa mga nakaraang pagdedeklara ng gobyerno sa hinto-putukan, madalas pa rin ang pagkakaroon ng sagupaan na ang mga rebelde ang umano’y lumalabag.

Ang dalawang panig ay parehong may pagkukulang kaya ano pa ang halaga ng hinto-putukan. Wala ring saysay ang pagpapakita kuno ng kapayapaan sa loob ng ilang araw kung ang bawat panig ay nagtatraiduran. Magiging katawa-tawa lamang o pagpapakita lamang ng pagkukunwari dahil nga sa Pasko ang mangyayari.

Hindi na kailangan ang hinto-putukan sa ganitong kahigpit na sitwasyon na ang bawat isa ay nagsasaksakan nang patalikod. Mas makabubuti kung tatapatan na lamang ng gobyerno ang ginagawang pagsalakay ng mga rebelde at magtanggol nang naaayon sa batas. Ang pagsunog ng mga equipment gaya ng nangyari sa Isabela, ay hindi dapat palampasin ng pamahalaan. Gaano karami ang nawalan ng trabaho dahil sa ginagawang pagsira sa mga ari-arian? Pagbayarin sila at ipakitang kayang payukuin ng pamahalaan. Hindi na kailangan ang ceasefire.

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

HINTO

ISABELA

KA ROGER

MRS. ARROYO

NEW PEOPLE

NOONG DECEMBER

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with