Ang nakapagngingitngit ay ang walang puknat na pagbabanta ng mga government officials laban sa mga jueteng lords mga pagbabantang wala namang kinahihinatnan. Mula nang maupo si President Gloria Macapagal-Arroyo noong January 20, 2001, maraming beses na siyang nagbanta laban sa mga jueteng lords. Maliban kay GMA, nagbanta na rin nang nagbanta si Interior Sec. Joey Lina. Nakipagpaligsahan din si Philippine National Police (PNP) chief Leandro Mendoza sa pagbabanta. Tatlong pinuno na mababagsik ang banta. Ang resulta sa pagbabanta: Lalo pang bumangis ang mga jueteng lords sa maraming panig ng bansa. Naging sugapa na ang mga mahihirap na ang pambili ng bigas ay isinapalaran sa jueteng.
Kamakailan, isang panibagong pagbabanta ang ginawa ni Lina laban sa mga jueteng lords. Gugulong na umano ang ulo ng mga ito. Isang taon na lamang umano ang pamamayagpag ng mga ito. Ang pagbabanta ay ginawa ni Lina nang magdaos ng National Summit Against Illegal Gambling.
Si Lina, bago naging Interior Secretary ay dating governor ng Laguna. Ang probinsiyang ito ay pumapangalawa sa pinakatalamak ang jueteng operations, nangunguna ang Pampanga na probinsiya ni GMA. Sa kasalukuyan talamak pa rin ang jueteng sa Laguna at tila wala nang pag-asang madurog ang mga jueteng operators. Grabe ang jueteng sa bayan ng Nagcarlan, Rizal, Liliw, Majayjay, Pagsanjan, Sta. Cruz, San Pedro, San Pablo City at marami pang iba. Ang mga jueteng operators sa probinsiyang ito ni Lina ay kabilang kaya sa kanyang mga pinagbantaan?
Nagsasawa na ang taumbayan sa pagbabanta ng mga pinuno subalit wala namang nangyayari. Hindi masisisi ang taumbayan kung mawalan ng tiwala sa mga namumuno dahil sa walang saysay na pagbabanta. Magpakita naman sana ng kaseryosohan sa pagkakataong ito.