Pinoy jokes, iba talaga

Katangi-tangi raw ang Filipino jokes sa buong mundo dahil ito lang ang bilingual. Kumbaga, nakakatawa dahil halaw sa dalawang wika.

Halimbawa: Saan ang pinaka-mahabang tulay? Sa Calumpit daw, na nagdudugtong sa Bulacan at Pampanga provinces. Pag galing ka sa Bulacan, ang ‘‘itlog’’ na dala mo ay ‘‘hebon’’ (ibon) na pagtawid sa kabila.

Heto pa’ng isa: Nagalit daw ang boss dahil hindi alam ng Bisayang sekretarya kung saan nilagay ang files. ‘‘Puro ka ewan,’’ bulyaw ng amo. ‘‘E, sir, E-1 naman talaga ang files!’’ iyak ng empleyada.

Marami sa atin, magkaibang region ang magulang, Bicol at Ilocos, halimbawa, kaya Bicolano na marunong ng dalawang wika. Pati jokes, bilingual. Miski ’yung mga taga-isang lugar lang ang parents, halimbawa Katagalugan, marunong mag-Ingles. Kaya bilingual pa rin ang jokes. At dahil sa kasaysayan, halimbawa giyera, natututo rin tayo ng ibang wika. Kaya may joke na ang mga Hapon daw, kapag napahiya, sinisisi ang sarili, nagpapakamatay, sabay sigaw: ‘‘Kamikaze.’’ Ang mga Pinoy, kapag tinuturo ang iba, sabay sigaw ‘‘Kayokaze.’’

Pero hindi lang basta bilingual ang mga Pinoy. Marami sa atin, trilingual pa nga, o bihasa sa tatlong wika. ’Yung iba, multilingual o bihasa sa maraming wika. Kaya meron tayong jokes na pinaghalong Tagalog, Ingles at Intsik, halimbawa, na tayong mga Pinoy lang ang nakaiintindi at natatawa.

Halimbawa, sabihin mo raw sa Intsik: Ipakita mo ang nanay ko. Sagot: Siomai mami (show may mommy).

At naku, dahil marami sa atin ang nagtatrabaho sa Japan, ito raw ang translation ng ilang Filipino at Engling words sa Nippongo: manok, sikken (chicken); cook, giza-giza; ayos, furo oke; fingernail, koko; laugh, anata-wa; this, itto; piece of cloth, retasu; cigarette, yoshi; ipagpaumanhin, kamisori; is this your property, arimoto; yes this is my property, arikoto; can I have this, akinato; you have it, sayonatu.

Pati nga yung salitang ‘‘joke’’, sa Hapon daw ay ‘‘birru.’’ Tama na. Corny na. Let’s leave quickly. Ika nga ng Hapon, ‘‘bachi-nayota.’’

Show comments