EDITORYAL -- Ningas-kugong kampanya vs jueteng

PALABAS lamang ang kampanya ng pamahalaan laban sa jueteng. Sa paglitaw ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson, isang jueteng lord, ay nalantad ang katotohanang walang ginagawa ang pamahalaan upang masugpo ang sugal na ito. Ang kampanyang ito’y pakitang-tao lamang na marami rin ang nabulag. Sa ibinulgar ni Singson na mahigit P400 milyon ang ibinigay niyang pera kay President Estrada at pamilya nito, maiisip kung gaano karaming pera ang natalo sa mga mahihirap sa sakop ng governor. Isang katotohanang tinuruang malulong sa jueteng ang mga mahihirap, nasadlak ang bansa sa kahihiyan na dahilan din para bumulusok ang piso.

Malabo pa rin ang motibo kung bakit ibinulgar ni Singson na nagbibigay siya ng milyong piso kay Estrada. Nagsimula ang lahat nang hulihin siya sa isang traffic violations at ngayo’y nakahanda na umano siyang mamatay o makulong basta kasama si Estrada. Mahirap mapaniwalaan na kaya "kumanta" si Singson ay sapagkat nagsasawa na siya sa talamak na jueteng sa kanyang probinsiya at gusto na niyang "magbagumbuhay". Ang isang maaaring totoo’y "papatayin" talaga ang jueteng at ipinasok na nga ang Bingo 2-Ball ni Charlie "Atong" Ang na kaibigan din ni Estrada. Sa Bingo 2-Ball ay wala siyang kikitain bagay na lumabas din sa pag-iimbestiga na "hinihigop" ni Ang ang malaking porsiyento ng kita sa Bingo 2-Ball mula nang magsimula noong September 18. Noong Lunes ay ipinatigil na ni Estrada ang Bingo 2-Ball at sinibak na rin si Ang.

Nalantad na ang pakitang-taong kampanya ng pamahalaan laban sa jueteng at iba pang ilegal na sugal. Mula pa noong umupo si Estrada ang pangako na niya’y ang iangat ang kalagayan ng mga mahihirap subalit masakit malaman na ang mga ito’y sa jueteng umasa sapagkat walang kakayahan ang pamahalaan na sugpuin ito. Inilunsad pa nga ang Bingo 2-Ball na ang nakikinabang lamang pala ay si Ang na kumukontra rin sa ipinangako niyang walang kamag-anak at walang kaibigan.

May katwirang magsabi ang isang mataas na pinuno ng Philippine National Police (PNP) na mahirap nang masugpo ang jueteng kaya ang mabuti pa’y gawin na lamang itong legal. May katwiran ang opisyal sapagkat paano masusugpo ang isang sugal na pinagkakaperahan ng governor, congressmen, mayor, police officials, at ngayon nga’y pati ang Presidente ng Pilipinas ay isinasangkot na rin at tinawag pang "lord of all the jueteng lords" ni Singson. Ang buhay sa bansa ngayo’y isang pakikipagsugal na ang natatalo’y ang taumbayan. Ang katotohanan sa mabigat na isyung ito ay dapat malaman ng natutulirong taumbayan.

Show comments