Tatanggi sa PhilSys ID, P500-K multa

MANILA, Philippines — Nagpaalala si Akbayan Rep. Chel Diokno na dapat tanggapin ang Philippine Identification System (PhilSys) ID o national ID bilang sapat at lehitimong patunay ng pagkakakilanlan sa mga transaksyon sa mga tanggapan ng gobyerno, bangko at pribadong institusyon, alinsunod sa Philippine Identification System Act at Executive Order No. 162.
Ayon kay Diokno, hindi dapat tanggihan o isantabi ang PhilSys ID dahil ito ay opisyal na dokumentong inilalabas ng PhilSys at kinikilala sa ilalim ng batas.
Aniya, mismong ang PhilSys na rin ang nagsabi na sapat na ang national ID bilang patunay ng pagkakakilanlan at hindi na dapat hingan pa ng maraming iba pang identification card o dokumento ang mga may hawak nito.
Ginawa ni Diokno ang pahayag kasunod ng mga reklamo ng ilang netizen na umano’y hindi tinatanggap o kinikilala ang national ID sa ilang tanggapan ng gobyerno at pribadong establisimyento.
Sa ilalim ng PhilSys Act, maaaring pagmultahin ng hanggang mahigit P500,000 ang mga opisina, institusyon o establisimyentong mapatutunayang lumabag sa batas sa pamamagitan ng hindi pagkilala o pagtanggap sa PhilSys ID bilang valid proof of identity.
Binanggit din ni Diokno ang pelikulang “2 Valid IDs”, na aniya’y mahalagang mapanood upang higit na maunawaan ng publiko ang mga suliraning kinahaharap ng mga Pilipinong nahihirapang makakuha ng mga kinakailangang pagkakakilanlan.
Dahil sa tema ng pelikula, muli niyang nanawagan sa mga kinauukulang tanggapan ng gobyerno at pribadong sektor na kilalanin at tanggapin ang PhilSys ID sa lahat ng lehitimong transaksyon.
Itinatampok sa naturang pelikula ang kuwento ng isang mahirap na magsasaka na nahirapang makuha ang perang ipinadala sa kanya ng isang kamag-anak dahil sa rekisitong magpakita ng dalawang valid ID.
- Latest


















