Walang ‘overkill’ sa deployment ng pulis sa SONA

MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang “overkill” sa deployment ng mahigit 21,000 pulis at iba pang law enforcers para tiyakin ang seguridad sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon.
Sa isinagawang inspeksyon sa Quezon City Police District (QCPD) monitoring center sa Camp Karingal, sinabi ni Nartatez na hindi naman umano sobra ang bilang ng mga idineploy na tauhan. Aniya, walang masama sa pagpapatupad ng maximum security kung ang layunin ay mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko. Dagdag pa niya, maaaring gamitin ng PNP ang kabuuang lakas nito na nasa 230,000 personnel sa buong bansa kung kinakailangan.
Nauna rito, binatikos ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes Jr. ang PNP dahil umano sa pagharang sa mga raliyista bago ang taunang talumpati ng Pangulo. Ang ipinatutupad ng pulisya ay hindi “maximum tolerance” kundi “maximum inconvenience” at “maximum oppression.”
Iginiit din ni Reyes na ang libu-libong pulis na nakaharang sa mga pangunahing kalsada ang nagdulot ng pinakamalaking abala sa publiko dahil sa aniya’y labis na paghihigpit sa seguridad.
Samantala, nananatiling nasa full alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa SONA, ngunit nilinaw nitong wala silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad.
- Latest






















