Heat mas tumikas sa pagdating ni Giannis

MIAMI — Nabuo na ang tambalan nina Giannis Antetokounmpo at Bam Adebayo sa Heat.
Ito ay matapos mahugot ng Miami ang 31-anyos na si Antetokounmpo mula sa Milwaukee Bucks kasama si veteran forward Bobby Portis.
Para makuha ang 10-time All-Star, two-time MVP at 2020 Defensive Player of the Year mula sa Bucks ay ibinigay ng Heat sina Tyler Herro, Kel’el Ware, Jaime Jaquez Jr. at Kasparas Jakucionis, tatlong first-round picks (kasama ang No. 13 sa 2026 NBA draft), isang pick swap at isang second-round pick.
Ilang beses nang nagparamdam ng paghanga si Antetokounmpo sa sistema ni Fil-American head coach Erik Spoelstra sa Miami.
“They’re going to play tough and they’re not going to stop playing,” sabi ng Greece star forward nang labanan ng Bucks ang Heat noong Marso 12. “That’s the Miami Heat culture.”
Iisa rin ang agent nina Antetokounmpo, nagbigay sa Milwaukee ng NBA championship noong 2021 na tumapos sa 50 taong paghihintay ng prangkisa.
Opisyal na isasara ng Bucks at Heat ang nasabing deal sa Hulyo 6 na posible pang madagdagan.
Noong Hunyo ay nagkasundo ang Phoenix Suns at Houston Rockets sa isang trade na lumaki sa isang makasaysayang seven-team trade.
Bumata ang lineup ng Milwaukee sa paghugot sa 26-anyos na si Hero, sa 25-anyos na si Jaquez, sa 22-anyos na si Ware at sa 20-anyos na si Jakucionis.
Bukod sa Heat ay kinunsidera rin ng Bucks ang alok ng Boston Celtics para makuha si Antetokounmpo.
Samantala, kinuha ng Brooklyn Nets si three-time All-Star forward Julius Randle mula sa Minnesota Timberwolves bilang bahagi ng isang three-team deal na magdadala kay center Nic Claxton sa Chicago Bulls.
- Latest



















