67-anyos lola sinaksak, sinunog sa tindahan!

Dahil sa P3K na pautang
CAVITE, Philippines — Nadiskubre ng awtoridad ang isang karumal-dumal na krimen na unang naiulat na insidente lang ng sunog, matapos makitaan ng malalim na saksak sa leeg ang 67-anyos na lola at sinadyang sinilaban sa tindahan nito upang itago ang pagpatay nitong Biyernes sa Brgy. Magdapio, Pagsanjan, Laguna.
Nakilala ang lolang nasawi na si alyas “Divina”, 67-anyos, sa loob ng kanyang “Debbie Sari-Sari Store” sa nasabing lugar matapos na maapula ang sunog.
Base sa ulat ng Pagsanjan Municipal Police sa pamumuno ni Police Major Gerald P Balansi, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa nasabing tindahan ni lola Divina.
Sa unang pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection (BFP), faulty electrical wiring ang tinitingnang dahilan ng sunog na ikinamatay ng biktima.
Gayunman, sa isinagawang autopsy sa bangkay ng matanda, natuklasan ng mga experts ng Provincial Forensic Unit (PFU) na may saksak sa leeg ang matanda na naging dahilan ng pagkamatay nito. Kinumpirma rin ito ng Medico Legal Officer na si PCapt. Wendel Bert L Jonsay.
Dahil dito, lumalabas na ang insidente ay hindi simpleng sunog lang kundi isang brutal na pagpatay sa lola sa pamamagitan ng pagtarak ng patalim sa kanyang leeg saka sinunog ang buong tindahan kasama ang bangkay upang pagtakpan ang krimen.
Dahil dito, masusing siniyasat ng Pagsanjan Police ang insidente at nangalap sila ng CCTV footage sa lugar.
Sa tulong ng mga residente, natukoy ang isang lalaki na diumano’y nakitang tumatakbo palabas ng tindahan ng biktima ilang minuto bago sumiklab ang apoy.
Sa follow-up operation, naaresto ang suspek na si alyas “Lorenz”, sa tulong ng mga opisyal ng barangay.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang pautang ng biktima na nagkakahalaga ng P3,000 sa suspek ang motibo sa krimen.
Bago ang insidente, nagkaalitan umano ang biktima at suspek matapos singilin ng matanda ang huli sa P3,000 utang nito. Nagbanta rin umano ang lola na magpapabarangay siya kapag hindi nagbayad ang suspek na ikinagalit ng huli hanggang sa patayin nito ang matanda..
Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong murder at arson.
- Latest
























