Solar Spikers lubog sa high speed hitters

MANILA, Philippines — Nagsumite si Fil-Canadian Savi Davison ng triple-double na 28 points, 18 receptions at 10 digs para gabayan ang PLDT sa 21-25, 25-21, 25-21, 25-21 pagdaig sa Capital1 Solar Energy sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
Ito ang unang panalo ng PLDT na yumukod sa Nxled at Akari sa pagsisimula ng kanilang kampanya.
“I think we kind of woke up and realized that everyone is getting better every single day and this season is going to be long and hard considering the teams we have to go up against,” ani Davison. “We really have to push ourselves out.”
Nag-ambag si Kim Kianna Dy ng 11 points at may siyam at walong marka sina Alleiah Malaluan at Dell Palomata, ayon sa pagkakasunod.
Tumipa si team captain at libero Kath Arado ng 27 excellent digs para sa kanilang depensa, habang naglista si setter Angge Alcantara ng 15 sets.
Bigo ang Solar Spikers sa hangad na ikatlong sunod na ratsada para sa kanilang 2-2 marka.
Nagposte rin si Bella Belen ng triple-double na 23 points, 19 receptions at 10 digs at may 16 at 15 markers sina Vanie Gandler at Erika Santos, ayon sa pagkakasunod.
Sa pangunguna ni Belen, kinuha ng Capital1 ang first set, 25-21, bago nakabawi ang PLDT at inagaw ang second at third frame para sa kanilang 2-1 bentahe sa laro.
Inilapit ni Belen ang Capital1 sa 21-23, samantalang ang cross-court hit ni Dy at block ni Palomata kay Belen ang sumelyo sa unang panalo ng PLDT sa torneo.
- Latest


















