Santiago mananatiling NBI chief
MANILA, Philippines — Patuloy pa sa paglilingkod si National Bureau of Investigation (NBI) Director Judge Jaime Santiago sa kabila ng inihaing irrevocable resignation noong nakalipas na linggo.
Sa kanyang pagdalo sa regular na flag ceremony sa NBI, nilinaw niya na mananatili pa rin siya sa puwesto hanggat wala pang naitatalagang magiging kapalit niya.
Aniya, ang desisyon niya na bumalik sa trabaho pansamantala ay bilang respeto kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagtalaga sa kanya sa puwesto noong Hunyo 2024.
“Pero hanggang walang words, walang napipili, walang ano, I will stay to perform my duty. ‘Yun ay bilang respeto,” ani Santiago.
Biyernes nang naghain ng irrevocable resignation si Santiago sa Malakanyang sa dahilang ayaw niyang mabahiran ng dungis ang iniingatan na reputasyon.
Naniniwala si Santiago na may nag-iinteres sa kanyang puwesto at gumagawa ng hakbang upang sirain ang kanyang pangalan.
Ipinaliwanag niya rin na pareho lamang sila ng Pangulo sa mithiin na labanan ang iregularidad at korapsyon, patunay ang mga accomplishments ng NBI.
“Hindi ako umalis dahil sa ayaw ko na sa administration. I salute the president, I salute SOJ, I salute… wala po sa atin, sa akin, wala silang inutos na ilegal na gawin natin. Free hand ako,” aniya.
Samantala, bagamat inendorso ng Department of Justice (DOJ) si Undersecretary Jesse Andres na pansamantalang pumalit kay Santiago sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na hindi magtatalaga ng officer in charge kapalit nito.
- Latest



















