DILG: Higit 57K informal settlers na-relocate
MANILA, Philippines — Nailipat na sa mas ligtas na lugar ang kabuuang 57,134 informal settler families na nakatira sa mga flood prone areas sa ilalim ng Manila Bay rehabilitation program.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang naturang mga informal settlers na nakatira sa may waterways at easement areas na kalimitang naaapektuhan ng mga pagbaha dulot ng mga pag-ulan na dala ng habagat at bagyo.
Ayon sa DILG ang mga ito ay nailipat sa government-owned housing units para sa mas maayos na tirahan at ligtas na pamumuhay ng mga pamilya.
Sa tala ng DILG, nasa 23.93% ng 238,747 identified ISFs ang nailipat na sa Pabahay ng gobyerno. Mula sa Metro Manila ang may pinaka maraming nailipat na informal settler families na nasa 36.56%, at sinundan ng Calabarzon na may 21.06%.
Nasa 61 local government units (LGUs) ang nakompleto na ang socialized housing projects para sa mga apektadong pamilya. May 90 socialized housing projects ang patuloy na nasa proposal stage habang nasa 52 ang kasalukuyang itinatayo.
Kaugnay nito, nanawagan ang DILG sa mga LGUs na nasa may Manila Bay Watershed area na pabilisin ang resettlement programs para matiyak ang kaligtasan ng mga pamilyang nasa danger zone.
- Latest

















