Karpintero binaril ng kaalitan, tepok!

MANILA, Philippines — Isang karpintero ang patay nang barilin ng dalawang lalaking nakaalitan habang naglalakad upang bumili ng sigarilyo sa isang tindahan sa Port Area, Manila nitong Martes.
Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “Wally”, 51, residente ng Baseco Compound, Port Area, dahil sa tinamong tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan habang arestado naman ang mga suspek na sina alyas “Rey” at alyas “John”, kapwa residente rin ng naturang lugar.
Batay sa ulat ni PMSg Arvy Macarasig, ng Manila Police District (MPD) – Homicide Section, nabatid na dakong ala-1:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Gasangan, sa Baseco Compound, Port Area.
Bibili lamang umano sana ng sigarilyo ang biktima, kasama ang kanyang live-in partner nang sundan ng mga suspek at kaagad na barilin habang nakatalikod.
Nang matiyak na napuruhan ang biktima, mabilis nang tumakas ang mga suspek dala ang baril na ginamit sa krimen ngunit nadakip rin sa follow-up operation.
Nakapiit na ang mga suspek at sasampahan ng kasong pagpatay sa piskalya.
- Latest





















