Seguridad sa bus terminals hihigpitan - PNP SOSIA

Dahil sa naganap na bus shooting

MANILA, Philippines — Maghihigpit ng seguridad  ang Philippine National Police (PNP) Supervisory Office for Security and Investigation Agencies  sa mga bus terminal kasunod ng shooting incident sa Victory Liner Bus noong nakaraang linggo sa Carranglan, Nueva Ecija 

Ayon kay PNP-SOSIA Chief PBGen. Gregory Bogñalbal, maglalabas sila ng panibagong direktiba sa mga security guards na paigtingin pa ang isinasagawang pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa loob ng mga terminal.

Sinabi ni Bogñalbal na  bahagi ng paghihigpit ay  maiwasang maulit ang insidente ng brutal na pamamaril sa mag-partner na sina Gloria Mendoza Atillano at Arman Bautista.

Binaril ng malapitan sa ulo ng dalawang hindj pa nakikilalang suspek sina Atillano at Bautista habang sakay ng bus patungo sa Tarlac.

Inaasahan ang pagdagsa ng mga pasaherong magsisiuwian sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Kailangang alerto ang mga guwardiya  laban sa mga kahina hinalang indibiduwal at grupo na magsasagawa ng pananamantala.

Kabilang na rito ang mandatoryong pag i-inspeksyon sa mga bagahe ng mga pasahero at paggamit ng mga metal detector at canine sniffing dogs.

Kasunod nito, nagbabala ang PNP SOSIA sa lahat ng security guards na mapapatunayang nagkaroon ng pagkukulang at kapabayaan sa pagpapatupad ng seguridad sa mga terminal.

Multang mula P10,000 hanggang P100,000 ang ipapataw  kung saan maaari pa silang masibak sa serbisyo.

Show comments