90 porsyentong naparalisa ang transport operation - PISTON

The group calls on the government to cancel the impending jeepney phaseout.
Michael Varcas/The Philippine STAR

Sa ikinasang tigil-pasada

MANILA, Philippines — Siyamnapung porsiyento umanong napara­lisa ang operasyon ng mga public utility vehicles, sa unang araw ng tigil-pasada ng militant transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).

Partikular anyang naparalisa ang  pasada ng mga AUV at jeepney sa Monumento, Novaliches,Litex, Phi­lcoa, Nia NPC Mindanao Avenue, E. Rodriguez, Baclaran,Pasig, Alabang,  Agoncillo, Paco, Sta Mesa, San Andres Bukid sa Maynila,  at iba pa.

Sa panayam ng PSN  kay Ka Mody Floranda, Pangulo ng PISTON, binigyang diin nito na magtatagal pa nang hanggang Miyerkules ang kanilang tigil-pasada kung walang linaw na kasagutan ang pamahalaan sa kanilang hi­ling na pagbasura sa PUV Modernization na nakatakdang ipatupad ng Land Transportation Franchi­sing and Regulatory Board (LTFRB).

“Papatayin nyang PUV modernization ang kabuhayan namin. Unti -unti na ‘yang ginagawa ng LTFRB sa pamamagitan ng consolidation. 

Sa consolidation,  kaming mga PUV ­operator ay mawawalan na ng prangkisa at ang mangangasiwa na lamang sa amin ay ang kooperatiba na isang monopoly. Kaya gusto naming ibasura yang PUV modernization”sabi ni Floranda.

Anya ang PUV mo­dernization ay nilikha lamang ng memorandum  Order  2017-011 ng Department of Transportation (DOTr), samantalang ang kanilang franchise anya ay nilikha ng  batas sa ilalim ng  RA 4136 o Transportation Law .

Sinabi ni Floranda na dapat pag-aralang mabuti ang kautusan ng DOTr  dahil ang prangkisa ng kanilang mga pampasaherong  sasakyan ay ginastusan ng mga ­operator at binayaran sa LTFRB alinsunod sa naturang batas  kaya’t hindi ito maaaring mabalewala na lamang dahil sa ipaiiral na PUV Modernization .

“Pag nag consolidate kami, ang mga negos­yanteng Hino Corporation ng Japan at China ang makikinabang diyan dahil pabibilhin  kami ng aircondioned jeep na ang  bawat isa ay P2.8 milyon so saan naman kami kukuha ng ganyang halaga, wala kaming kakayahan na bilhan yan kundi mga mayayayamang negos­yante lamang” sabi ni Floranda.

Binigyang diin ni Floranda na rehabilitasyon ng mga pampasaherong sasakyan ang dapat na itulong ng pamahalaan sa kanilang maliliit na operator ng PUVs at hindi ang modernization na malalaking negosyante lamang ang makikinabang.

Show comments