PNP pinuna ng COA sa 207 donated vehicles
MANILA, Philippines — Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang kabiguan ng Philippine National Police (PNP) na maitala sa kanilang libro ang 207 sasakyan na idinonate ng mga foreign governments, private foundations at mga korporasyon, at iba pang tanggapan ng gobyerno mula 2017 hanggang 2020.
Sa kanilang 2021 annual audit report sa PNP, sinabi ng COA na ang non-submission o hindi pagsusumite ng Deed of Donations at iba pang kaukulang dokumento gaya ng Acceptance Report, Supply Directive, Property Acknowledgement Receipt (PAR), Property Transfer Report, Invoice at Delivery Receipt ng mga concerned officers, ay nagiging dahilan upang hindi mairekord ng Accounting Division sa kanilang books of accounts ang mga naturang donasyon.
Sinabi ng COA na hanggang noong Disyembre 31, 2021, nasa P267.085 milyong halaga ng donated motor vehicles, equipment at supplies ang hindi pa rin naitatala sa book of accounts ng PNP.
Anang COA, ito ay dahil sa pagkabigo ng mga PNP supply accountable officers (SAOs) at logistics officers na isumite sa Accounting Division ang mga Deeds of Donations at supporting documents nito.
Bukod sa mga naturang sasakyan, hindi rin naitala ng PNP sa kanilang book of accounts ang iba pang in-kind donations, kabilang ang P3.65-milyong halaga ng mga kagamitan.
- Latest