8 gunrunners, arestado
MANILA, Philippines — Walo katao, na hinihinalang mga gunrunner at pawang miyembro umano ng isang criminal gang, ang nadakip ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Quezon City , kamakalawa ng gabi.
Ang mga suspek ay nakilalang sina Angelo Santiago, 22, alyas Edong, construction worker; Leonardo Salazar, 31, construction worker; Erwin Corpuz, waiter; Eduardo delos Santos, 38, construction worker; Anthony delos Santos, 45; at Francisco de Guzman, 43,; Rolando Santos, 43, at Winny Joy Cabatuan, 31.
Sila ay sinasabing pawang miyembro ng ‘Angie and Wowie Criminal Gang’ na umano’y sangkot sa gun running, swindling, at illegal drug trade na nag-o-operate sa iba’t ibang lugar sa Quezon City.
Batay sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi nang isagawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon City District Field Unit (QCDFU) ang pag-aresto sa mga suspek, sa 35 Iriga St., Brgy. Culiat, Quezon City.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y talamak na bentahan ng mga ilegal na armas sa Brgy. Culiat at iba pang bahagi ng Quezon City na kinasasangkutan umano ng isang alyas ‘Edong.’
Kaagad namang umaksiyon ang CIDG-QCDFU at nang makumpirma ang impormasyon sa isinagawang surveillance, ay nagkasa ng buy-bust operation.
Nakahalata naman si alyas Edong na mga pulis ang katransaksiyon kaya’t kumaripas ng takbo at pumasok sa naturang tahanan. Sinundan naman siya ng mga pulis at saka inaresto.
Dito na rin nadakip ang kanyang mga kasamahan, na naaktuhan pang nagpa-pot session. Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang caliber .38 revolver na walang serial number; P500 buy-bust money na nakapaibabaw sa boodle money; at isang pulang sling bag at drug paraphernalia.
- Latest























