Re-blocking sinuspinde ng MMDA

MANILA, Philippines - Dahil na rin sa madalas na pag-ulan, masasayang lamang ang mga sementong gagamitin, pinasuspinde o pinakansela muna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang road repair o re-blocking sa ilang lugar ng Kalakhang Maynila.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino ipinatigil muna nila ang road re-blocking sa ilang lugar sa Quezon City, Mandaluyong at Pasig City na nakatakda sanang isagawa simula noong Biyernes ng gabi hanggang bukas ng umaga. 

Tanging sa kahabaan lamang ng EDSA Avenue partikular sa area ng Camp Aguinaldo itinuloy ng DPWH ang road re-blocking dahil ang tubong nakabaon dito para sa drainage system ay papalitan ng malaki.

Ito ay upang  maibsan umano ang madalas na  pagbaha sa naturang lugar  na nagiging isa sa pangunahing dahilan ng matinding trapik sa EDSA halos araw-araw sa mga nakalipas na araw. (Lordeth Bonilla)

Show comments