Habang kinukumpuni, mekaniko durog sa fire truck

MANILA, Philippines - Durog ang bungo at nalasog ang katawan ng isang 58-anyos na helper mechanic nang magulungan ito ng fire truck na kanyang kinukumpuni matapos paandarin ng kanyang chief mechanic kamakalawa ng hapon sa Malabon City.

Kinilala ang nasawing biktima na si Dominador Laguerta, nakatira sa Javier  St., Brgy. Baritan ng naturang lungsod.

Nakapiit naman sa Malabon City Police at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang chief  nitong si Anastacio Espeñol, 50, ng  Nicolas St., Brgy.  Niugan ng naturang siyudad.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Malabon City Police, naganap ang insidente alas-5:00 ng hapon  sa panulukan ng Soriano at N. Nicolas Sts., ng naturang barangay habang kinukumpuni ng  biktima at ng suspek ang fire truck ng San Antonio De Padua Fire and Rescue Volunteer Brigade (CRW-237) sa naturang barangay.

Base salaysay ni Dennis Laguerta, 32, anak ng biktima,  kinukumpuni ng kanyang ama ang preno ng fire  truck ng biglang  paandarin ito  ng suspek.

Dahil sa palusong ang kalsada hindi napigilan  ang pagdausdos ng naturang fire truck  hanggang sa nagulungan ang biktima na naging sanhi ng pagkadurog ng bungo  at pagkalasog ng katawan nito na naging sanhi nang  nakakahindik  nitong kamatayan.

Kaagad na dinakip nang rumespondeng mga pulis ang naturang suspek.

Show comments