Lying-in-clinics sa Marikina, hihigpitan

MANILA, Philippines - Maghihigpit ang pamahalaang lungsod ng Marikina ang mga paanakan o “lying-in clinics” sa lungsod upang maproteksyunan ang mga inang buntis at kanilang mga sanggol sa hindi tamang praktis.

Sa inaprubahang ordi­nansa Blg. 31 ni Mayor Del de Guzman, naglalayon ito na pangasiwaan ang lahat ng pribado at pampublikong paanakan sa lungsod.

Hinihikayat dito na pag-ibayuhin pa ang maayos na serbisyo sa mga paanakan at pangangalaga sa mga pasyente para ma­iwasan ang insidente ng pag­kamatay ng mga ina at mga sanggol.

Ayon sa datos ng City Health Office (CHO), pitong ina ang namatay sa pa­nganganak at 20 sanggol ang naitalang namatay noong taong 2011.

“Sa panganganak ng mga ina, ipinagkakatiwala ng mga ito ang kanilang buhay sa mga bahay paanakan. Kaya naman marapat lamang na ang mga ito ay tumugon sa pagbibigay ng mataas na kalidad ng serbisyo upang maiwasan ang hindi ina­asahang pagkamatay ng ina at sanggol,” wika ni Mayor Del de Guzman.

Kailangan umanong sumunod sa itinakdang panuntunan ang lahat ng mga paanakan ukol sa uri ng imprastruktura, kagamitan, suplay at mga gamot na dapat taglayin.

Kinakailangan rin na makakuha muna ng “sanitary permit” buhat sa CHO ang mga paanakan bago magkapag-operate kada taon.

May katumbas na mga multa, suspensyon at ma­ging pagkakulong ang mga may-ari, operator at opis­yales ng mga paanakan na hindi makakatugon sa pa­ngangailangan ng naturang ordi­nansa.

Show comments