MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga awtoridad ang tatlong dating miyembro ng Bahala na Gang na nasa likod ng nakawan sa loob ng mga quarters ng Camp Aguinaldo na hinihinala ring siyang responsable sa pagkarnap sa sasakyan ng isang opisyal ng Phil. Army.
Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Jerry Molina, alyas Ontong; kapatid nitong si Daniel Molina at Norman Garcia.
Iniimbestigahan rin ng mga awtoridad ang sinasabing kontak ng tatlo sa Camp Aguinaldo sa pagsasagawa ng kanilang operation.
Kaugnay nito, umapela naman sa mga kinauukulan si Brig. Gen. Remegio de Vera, Camp Commander sa AFP General Headquarters na unawain ang paghihigpit nila ng seguridad sa Camp Aguinaldo upang bigyang proteksyon ang mga sundalo, sibilyang empleyado at maging ang mga bisita sa loob ng punong himpilan ng militar.