Manila, Philippines - Utas ang isang 26-anyos na nurse nang barilin umano ng kanyang mister na pulis sa loob ng isang apartment, kamakalawa ng hapon sa Sampaloc.
Dead-on-the-spot si Krizzia Legasi, tubong Tanza, Tuguegarao at nanunuluyan sa Rm. 302 NIC Apartment, Manrique St., Sampaloc, Maynila dahil sa tinamong tama ng bala sa kaliwang mata na tumagos sa kanyang bungo.
Tumakas naman ang mister na suspect na kinilalang si PO1 Nathan Legasi, ng #01 Apitong St., San Gabriel Village, Tuguegarao, at nakatalaga sa 1st Maneuver Coy, 2nd Regional Police Safety Battalion, Police Regional Office 2, Tuguegarao.
Sa imbestigasyon ni PO3 Alonzo T. Layugan, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa kuwarto ng biktima.
Sa impormasyong nakuha ni Layugan kay Irene Castillo, 47, landlady sa NIC Apartment, isang nagpakilalang Joshua Pacete ang umupa ng isang kuwarto sa halagang P950 sa katwirang tatagal lamang siya ng limang araw.
Ang Room 202 ang ibinigay na silid kay Pacete.
Ilang oras umano ang nakalipas nang makarinig ng sigaw ng babae at putok ng baril ang maintenance ng gusali na si Lawrence Samonte, 44 , kaya inalam ang pinagmulan nito.
Una niyang nakita ang pag-alis ni Pacete sa kuwarto ng biktima na may bitbit na bag at nang tunguhin naman ni Samonte ang silid ng biktima, kasama ang barangay kagawad na si Melquedes Leonor ay nakitang duguan at nakahandusay na ito.
Nang siyasatin, nakita sa bag ng nasawi ang isang identification card na kamukha ni Pacete kaya natuklasang iisang tao lamang si PO1 Nathan Legasi at ang nagpakilalang si Joshua Pacete.
Hinihinalang pinagplanuhang sorpresahin at tiktikan ng suspect ang kanyang misis hanggang sa mapatay ito, na pinaniniwalaang selos ang dahilan. (with trainee May Ann del Prado)