500 kilo frozen meat nasamsam
MANILA, Philippines - Aabot sa 500 kilo ng frozen meat ang nakumpiska ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa panibagong pagsalakay nito na isinagawa sa pampublikong pamilihan ng Marikina City kahapon ng madaling-araw.
Agad na tumambad sa mga tauhan ng NMIS ang kilu-kilong karne na naka-display na sa mga meat stall at handa nang ibenta sa publiko.
Ipinag-utos ni NMIS team leader Dr. Rolando Marquez na kumpiskahin ang naturang mga karne na nagkakahalaga ng P50,000 dahil sa paglabag umano sa Department of Agriculture Administrative Order No. 22 o “Proper Handling and Distribution of Meat Products”.
Sa ilalim umano ng naturang kautusan, dapat na palagiang nakaimbak sa isang freezer o chiller ang mga frozen meat products at hindi dapat basta-basta ibinabalandra sa mga meat stall dahil sa madali itong dapuan ng mga bacteria na magdudulot ng sakit sa publikong makakabili at makakakain nito.
- Latest
- Trending