MANILA, Philippines - Apat katao ang nasawi habang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin ng anim na armadong kalalakihan sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Liberato Paez, 50; Rogelio De Ocampo, 36; Rogelio Agustin, 49; at Germinio Manansala, 44.
Sugatan naman sina Zaldy Ballesteros, 43; at Armando Garcia, 47.
Agad namang naglahong parang bula sa lugar ang mga suspect matapos ang krimen na naglakad lamang patungo sa Freedom Park.
Ayon sa ulat ni SPO1 Pascual Fareag, naganap ang insidente habang nag-iinuman ang anim na biktima sa labas ng isang tahanan sa Kaibigan St., Kalayaan B, Brgy. Batasan Hills ganap na alas- 9:25 ng gabi.
Nasa kasarapan ng inuman ang mga biktima nang biglang dumating ang mga suspect na pawang mga armado ng baril at pinagbabaril ang mga una.
Matapos ang pamamaril ay nagsipagtakbo papalayo ang mga suspect. Hindi pa mabatid kung ano ang posibleng motibo sa pamamaril.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa naturang insidente. (with trainee Mary Jaramie Caluma)