Tren vs taxi: 3 sugatan

MANILA, Philippines - Tatlo katao ang sugatan nang salpukin ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang taxi cab na papatawid sa riles kahapon ng madaling-araw sa Maynila.

Nakilala ang mga biktima na sina Rodrigo Tabor Jr., 31, ng Valenzuela City, driver, ng Nelson Huliganga taxi na may plakang TXY-921; Lawrence Bulanyungan, 49, ng Quezon City, na agad na ginamot sa United Doctors Medical Center. Nagtamo ang mga ito ng sugat at pasa sa katawan.

Samantala, nananatili namang nasa ospital si Lambert Bulatao, 54, ng Tandang Sora, Quezon City dahil sa tinamong pinsala sa kanyang tadyang nang tumbukin ng PNR train 101 ang kanyang kinauupuan.

Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), naganap ang insidente dakong alas-5:15 ng madaling-araw habang papatawid ng riles ng tren ang taxi sa Antipolo at Algeciras Sts. sa Sampaloc.

Ayon sa pulisya, papuntang Quezon City ang taxi nang matumbok ng tren na patungong Bicol. Itinanggi naman ni Tabor na pinilit niyang lagpasan ang paparating na tren hanggang sa maganap ang insidente.

Show comments