Driver ng jeep dedo sa pasahero

MANILA, Philippines - Isang driver ng isang pam­­­­pasaherong jeepney ang binaril at napatay ng kan­­yang pasahero dahil sa hindi umano agad huminto ang sasakyan nang parahin ng huli sa Pasig City kaha­pon ng umaga.

Ang biktima na agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente ay nakilalang si Maximo Perez, 47, residente ng Rodriguez, Rizal dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo.

Inilarawan naman ang pa­sa­­herong suspek na agad na tumakas matapos ang krimen na nasa edad na 30-35, 5’6 ang taas, katamtaman ang pangangatawan, na­kasuot ng maong na pantalon at t-shirt na puti.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Rogelio Baltazar ng Pasig City Police, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-4:30 ng umaga sa panulukan ng San Agustin St., Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Ayon sa report, tatlo katao ang sakay na pasahero ng biktima noong maganap ang krimen at isa sa kanila ang pumara para bumaba ng sasakyan.

Hindi umano agad nari­nig ng driver ang pagpara ng suspect kaya nagalit ito na siyang dahilan para barilin ang driver.

Matapos ang insidente ay sinasabing kaswal lamang na naglakad ang suspek papalayo sa kinaganapan ng krimen.

Nagsasagawa pa ng ma­susing pagsisiyasat ang pulis­ya ukol dito.

Show comments