Ret. PNP general, biktima ng 'Salisi gang'

MANILA, Philippines - Maging ang isang dating mataas na opisyal ng PNP ay nabiktima rin ng talamak na ‘Salisi Gang’ nang matangay ang clutch bag na naglalaman ng malaking halaga ng salapi sa loob ng isang restoran sa Pasay City. Kahapon lamang inilabas ng Pasay City Police ang opisyal na ulat sa pagkakabiktima kay dating Police Director Ernesto Belen, dating Director for Logistics, na naganap nitong nakaraang Lunes kung saan natangay ang P50,000 cash, cellphone at iba’t ibang dokumento. Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-12:24 ng mada­ling-araw sa loob ng isang fastfood restaurant sa may New Port City, Pasay. Kasama ni Belen ang buong pamilya sa paghahatid sa kanyang manugang na babae sa NAIA Terminal 3 patungong Zamboanga nang magpasyang kumain muna dahil alas-2 pa ang lipad ng eroplano nito. Inilagay umano ng dating opisyal ang clutch bag sa kanang bahagi ng bakanteng upuan sa kanyang tabi nang isilbi na ang kanilang inorder na pagkain hanggang mapuna na lamang na naglaho na ito sa pinagpatungang upuan. Napag-alaman na nakuhanan naman ng close circuit tele­vision (CCTV) camera sa loob ng restoran ang modus-operandi na isinagawa ng apat na lalaki at apat na babae sa pagtangay sa clutch bag ng dating opisyal kaya’t humingi na ng permiso ang pulisya sa naturang fast food chain na makahingi ng kopya ng nai-rekord na pagnanakaw upang madakip ang mga suspect. Nabawi naman ni Belen ang kanyang clutch bag nang mapulot ito ng isang Gina Dalam sa gilid ng kanyang canteen sa Uniwide Coastal Mall sa Parañaque City subalit tanging ang mga ATM cards, bungkos ng susi at mga dokumento na lamang ang laman nito.

Show comments