2 holdaper bugbog-sarado sa taumbayan

MANILA, Philippines - Kinuyog nang galit na galit na taumbayan ang dalawang kilabot na holdaper makaraang makorner ang mga ito matapos na biktimahin ang dalawang dalaga, kamakalawa ng gabi sa Marikina City. Bugbog-sarado nang dalhin sa Marikina City Police headquarters ang mga suspek na nakilalang sina Roderick Dino, 24, ng Multinational Village, Parañaque City at Roel Penafloridad, 20, ng Paraiso St., Brgy. Parang, Marikina. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:30 ng gabi nang holdapin ng dalawang suspek sina Joenalyn Mabazza, 26, at Catherine Espinosa, 25, sa may Guizama St., Brgy. Concepcion Uno. Bigla umanong kinalawit ng patalim sa leeg ng mga suspek ang dalawang dalaga at sapilitang tinangay ang mga bag at iba pang mahahalagang gamit ng mga ito. Sa kabila ng pagbabanta na sasaksakin kapag humingi ng saklolo, nagsisigaw naman ang dalawang biktima makaraang pakawalan sila ng mga suspek. Natawag-pansin naman nito ang mga istambay at residente ng naturang lugar na siyang humabol at nakakorner sa dalawang salarin at saka pinagbubugbog ang mga ito upang turuan ng leksyon.   

Show comments