Kalaguyo ni misis, todas kay mister

MANILA, Philippines - Todas kay mister ang umano’y sinasabing kalaguyo ng kanyang misis makaraang undayan ng sunud-sunod na saksak ng una habang natutulog ito sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Sumuko at walang pagsisisi ang suspek na si Roel Roquero, 45, pahinan­te na residente ng Juan Luna St., Tondo sa kanyang ginawang pagpatay sa biktimang si Freddie Adidas, 26, isang estibador ng nasabi ring lugar.

Nabatid mula kay P/Insp. Armando Ma­caraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, na ganap na alas- 7 ng gabi kamakalawa nang sumuko ang suspek kay Barangay Chairman Violeta Candelaria saka dinala sa himpilan ng pulisya.

Ayon kay Roquero, labis umano siyang nasaktan at halos hindi niya matanggap nang malaman niya na tuwing wala siya sa kanilang tahanan ay “sinasalisihan” siya ng suspek.

 “Masakit na tanggapin na niloloko at iniiputan ako ng misis ko, kaya nagawa kong patayin ang kanyang kalaguyo,” anang suspek.

Sinabi pa ni Roquero, 15 ang  naging anak nila, 11 ang buhay at 5 buwan pa lamang ang bunso, kaya hindi umano niya akalain na magagawa pa siyang iputan ng kanyang misis na si Susana.

Aniya, hindi umano niya pinatay ang kanyang misis dahil sa pagma­mahal niya sa kanilang mga anak, pero ang hindi pa umano niya alam, kung magkakabalikan pa sila ng kanyang misis.

Show comments