Totoy binoga ng sekyu

MANILA, Philippines - Isang 13-anyos na totoy ang pinagbabaril ng isang guwardya habang ang una ay naliligo sa isang ilog  at nagbabantay naman ang huli sa isang pagawaan ng barko sa Navotas City kahapon.

Nasa kritikal na kondisyon at inoobserbahan ngayon sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng tinamong apat na tama ng bala ng baril sa katawan ang biktimang si Bobby Gonzales, ng Tulat 1, Barangay Daang Hari ng nasabing lungsod.

Nakakulong na ang suspek na si Jojo Jaylo, guwardya ng Integrated Security and Assets Protection Specialist, Inc. at nakatalaga sa Ravago Shipyard na matatagpuan sa kahabaan ng M. Naval St., ng nabanggit na barangay.

Base sa nakalap na impor­masyon sa Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Navotas City Police, naganap ang insidente dakong ala-1 ng hapon sa ilog na matatagpuan malapit sa naturang shipyard.

Sa naging salaysay ng mga kaibigan ng biktima, naligo sila sa ilog malapit sa shipyard nang lumapit ang suspek at pag­bawalan silang maligo.

Ngunit nang hindi ma­kinig ang mga bi­na­tilyo ay agad na binunot ng suspek ang service firearm at pinagbabaril ang mga ito habang si Gonzales ang napuruhan ng pamamaril nito.

Mabilis na isinugod sa na­banggit na pagamutan ang bik­tima ng kanyang mga ka­ibi­gan habang mabilis namang ina­resto ng mga rumespondeng awto­ridad ang suspek kung saan ay kasalukuyan pa ring hina­hanap ang baril na ginamit nito na hinihinalang itinapon nito matapos ang insidente. 

Show comments