Indian trader itinumba

MANILA, Philippines - Isang negosyanteng Indian national ang nasawi makaraang pagbabarilin ng dalawang suspect sa lungsod Quezon iniulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Rajwinder Singh, 30, ng   Farewell Houses Subd., Fairview Q.C.

Nasugatan din sa insidente ang isang Juliet Niog, 25, vendor, dalaga ng Brgy. Common­wealth sa nasabing siyudad, makaraang tamaan ng ligaw na bala sa katawan matapos tumagos mula sa ulo ng biktima ang bala.

Ayon sa ulat ni P03 Jimmy Jimena ng Quezon City Police District-Criminal Investiga­tion and Detection Unit(QCPD-CIDU) naganap ang insidente sa Water Hole St. sa naturang barangay dakong alas-12:50 ng tanghali.

Bago ito, nakaupo ang biktima sa kanyang motorsiklo (4444-NN) habang naghihintay sa tauhan niyang si Gerald Carubarijan na nani­ningil ng kanyang pautang nang biglang sumulpot ang mga suspect at binira ito sa ulo.

Nang bumuwal ang biktima sa semento ay saka mabilis na sumakay sa isang motor­siklo ang mga suspect at tumakas.

Ayon kay Jimena, hindi naman robbery ang motibo dahil naroroon pa ang cellphone ng biktima gayundin ang perang P3,000.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments