Sunog sumiklab sa Parañaque at Pasay

MANILA, Philippines - Nawalan ng tirahan ang nasa 60 pamilya makaraan ang dalawang magkasunod na sunog sa Parañaque at Pasay City kamakalawa ng gabi.

Dakong alas-10:30 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng isang gusali na pag-aari ni Reuben Biaculo sa Dandan St., Brgy. La Huerta, ng naturang lungsod. Mabilis itong kumalat sa mga karatig na bahay at naapula lamang ng mga bumbero dakong ala-1 na ng madaling-araw kahapon.

Nabatid na nahirapan ang mga bumbero na ma­apula ang apoy dahil sa makikitid na eskinita na hindi mapasok ng kanilang trak ng tubig. Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.

Dakong alas-9:50 naman kahapon ng umaga nang sumiklab ang ikalawang sunog sa bahay na pag-aaari ni Nelly Ello sa Vizcarra St., Malibay, Pasay. Naging mas masuwerte naman ang mga residente ng naturang lugar makaraang agad na maapula nang nagtulung-tulong ang mga residente sa pag-apula sa apoy.

Nagkaroon pa ng dahilan para sa mistulang piging ang mga residente nang pagsaluhan ang nalitson na dalawang baboy na alaga ng pamilya Ello.   (Danilo Garcia)

Show comments