Recruiter ng fraternity, tugis

MANILA, Philippines - Pinaaresto ni Manila Mayor Alfredo Lim ang isang “cri­minology graduate” na inirereklamong namu­muwer­sa ng mga menor de edad na estudyante na sumali sa kan­yang fraternity sa pamama­gitan ng paglalagay ng marka sa kanilang mga kamay.

Nagtungo kahapon sa tang­gapan ng alkalde sa Ma­nila City Hall ang mga estud­yanteng nasa edad 12-15, kasama ang kanilang mga magulang para humingi ng tulong , matapos na tumanggi ang principal ng Manuel Luis Quezon High School sa Blu­mentritt na papasukin sa klase ang mga estudyante dahil sa mga sunog na marka sa kanilang kamay.

Itinuturo naman ng mga estudyante ang suspect na si Gilbert Atienza-Sienna, 23, residente ng   P. Guevarra St., Sta. Cruz, Maynila na ayon sa mga ito ay nakakalaya baga­ma’t hinuli ng mga pulis.

Dahil dito, inatasan ni Lim si Supt.Ernesto Tendero, Sta­tion Commander ng PS-3 na ka­suhan at arestuhin ang sus­pect bunsod na rin ng walang tigil na panghihikayat ni Sienna sa mga estudyante na sumapi sa kanyang “M5” fraternity.

Estilo umano ng suspect na makipagkamay sa mga tu­matanggi at agad na kaagad  na tatatakan ng isang mainit na “thumbtack”, na nakabalot sa foil dahilan para mag-iwan ng malalim na pagkasunog sa balat ng estudyante.

Isa pang estudyanteng babae ang nagreklamo na itinu­lak umano siya ni Sienna sa loob ng tricycle at ginawa din sa kanya ang kaparehong ritwal.

Katulong ni Sienna sa pamamaso ang kapatid nitong si Jerwin, isang high school student, at mga kaklase nitong nakilalang sina John at Joshua Cinco at isang alyas ‘Banjo’, na iniutos din ng alkalde na maimbestigahan.

Nabatid na may 20 estud­yante ng MLQU ang nabik­tima ng grupo ni Sienna,dahil pare-parehas silang may magkakatulad na paso sa kamay.

Bukod sa kasong physical injuries,iniutos din ni Lim kay Tendero ang pagsasampa ng kasong coercion laban kay Sienna. (Doris Franche)

Show comments