Estudyante patay sa resbak
Nasawi ang isang bina tang estudyante makaraang resbakan ito ng kapatid ng kanyang unang nakaalitan, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa pagamutan ang biktimang si Lejarvery Sorio, 19 at residente ng Purok 3, Brgy. Lower Bicutan, Taguig City sanhi ng mga saksak na tinamo sa katawan.
Ang suspect naman na nakilalang si Michael Rashid Mama, alyas Fajad, residente ng Kangkungan St., Purok 3, Brgy. Lower Bicutan, Taguig City ay mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa Mulawin St., Brgy. Lower Bicutan, Taguig City habang ang biktima at kaibigan nito ay naglalakad sa naturang lugar nang harangin ito ng suspect at walang sabi-sabing inundayan ng mga saksak sa katawan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay isa sa pinaghihinalaan ng suspect na sangkot sa pambubugbog sa kapatid ng huli na si Jemar Mama na naganap noong nakaraang taon.
Dahil hindi umano matanggap ng suspect na na-agrabyado ang kanyang kapatid, pinaghigantihan nito ang biktima na nagresulta sa pagkasawi nito. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending















