Kelot kinuyog sa P50

Knock-out ang isang 35-anyos na lalaki hindi pa man nagsisimula ang laban ng dream match nina Mexican fighter Oscar Dela Hoya at Manny “Pacman” Pacquiao nang mapalo ng bote at pagbubugbugin siya ng siyam katao na kinabibilangan umano ng isang di nakilalang pulis kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.

Sa Mary Jhonston Hospital bumagsak ang biktimang si Conrado Soriano, may asawa, foreman, ng 312 Paraiso St., Tondo sanhi ng tinamong sugat nito sa ulo at bugbog sa katawan.

Sa reklamong idinulog sa Manila Police District-station 1, isang pulis umano na kilala lamang nila sa alyas na “Bato” at walo pang kalalakihan ang bumugbog sa biktima dakong ala -1:00 ng madaling araw sa panulukan ng Varona at Llana Streets, Tondo.

Sinabi ni Bong-bong Gorgon, pinsan ng biktima, na habang sakay sila ng motorsiklo ay huminto ang biktima nang makitang may nagsusugal ng cara Y cruz sa isang lamayan sa patay.

Bumaba ang biktima at nilapitan ang ‘pole’ sa cara y cruz at hiningian umano ng tong na P50 na ikinagalit ng mga nagsusugal hanggang sa may pumalo ng bote sa ulo nito. Nang masugatan sa ulo ay nagtangkang tumakbo na ang biktima subalit sumigaw umano ang mga nagsusugal na “Harang. Magnanakaw yan!.”

Nang abutan ay kinuyog ng siyam na suspek at naawat lamang ito nang makialam ang iba pang nagla­lamay sa patay. (Ludy Bermudo)

Show comments